Panukala ni Mar Roxas sa e-jeepney malabo

PROBLEMA ng mga drayber at opereytor ng dyipni: Tumataas na halaga ng petrolyo.
Solusyon: Isantabi ang mga kasalukuyang yunit at bumili ng e-jeepney.

Ganito kadali ang pagresolba ni Transportation and Communications Secretary Mar Roxas sa di-matapos-tapos at tila gamundong suliranin ng mga manggagawa sa transportasyon.

Maganda sana kaya lamang ay hindi reyalistiko.

Unang-una na, hindi ganun-ganun lamang magpalit ng mga yunit ng dyipni. Sana ay napakalaki ng kinikita ng mga opereytor upang makaipon ng P700,000 upang makabili ng isang 14-seater na e-jeepney.

Eh paano kung dalawa, tatlo o sampu ang yunit ng isang opereytor? Saang kamay ng Diyos siya kukuha ng P1.5 milyon hanggang P7 milyon?

Pati tuloy ang Panginoon ay nabanggit ko na. Kasi naman ay isang tunay na himala ang kailangan upang mangyari ang pananaw ni Secretary Roxas.

Tanungin n’yo ang mga opereytor ng mga dyipni kung magkano ang natitira sa kanilang kita ng isang yunit at natitiyak kong sasabihin sa inyong kaunting-kaunti lamang (at kung minsan nga raw ay tulak pa) matapos ibawas ang mga gastusin sa pagpapagawa ng sira at pagpapalit ng mga piyesa, gulong, langis, etc.

Tanungin kung ang natitirang kita ay sapat upang ipunin at ipambili ng isang e-jeepney, sigurado akong ang sasabihin nila ay “hindi.”

‘Yung iba siguro ay hindi na lamang kikibo dahil makikiramdam kung nang-aasar ka ba o nagbibiro lamang sa pagtatanong n’yo.

Malabo, hindi man delikado, ang iniisip na ito ng kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Malabo dahil nga walang pondo ang mga kasalukuyang opereytor ng mga dyipni na isantabi ang kanilang mga yunit sa ngayon upang palitan ng e-jeepney.

Delikado dahil maaaring may mga maperang tao na sisingit sa maluwag na pagbibigay ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa bagong gimik ng gobyerno.

Bakit hindi na lang lumikha ang gobyerno ng isang programang magpopondo, kahit pautang na maluwag mababayaran, sa mga kasalukuyang opereytor ng dyipni upang mapalitan nila ng e-jeepney ang kanilang mga kasalukuyang yunit?

Tama ba, Secretary Mar Roxas?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply