Parang mga bata, ugaling pambata

BALITANG-BALITA sa Quezon City Hall at Quezon City Police District ang away ng dalawang opisyal ng pulisya dahil lang sa iligal na sugal.
Nagmurahan umano sa cellphone ang dalawang opisyal at bawat isa ay ayaw padaig. Hindi nila inirespeto ang kanilang uniporme, huwag na ang posisyon nila.

Nabatid na nagpalabas ng memorandum order si QC Mayor Herbert Bautista para kay Chief Insp. Ritchie Claravall, hepe ng QC Hall Police Detachment, upang magsagawa ito ng anti-gambling operation sa lungsod na agad naman nitong sinunod.

Bunga ng isinagawang operasyon, naaresto si Domingo Mendaro, 44, ng Molave St., Barangay Fairview, QC noong Pebrero 24 dakong 3:30 ng hapon habang nangungolekta ng taya sa jueteng.

Kolektor ng jueteng na LM si Mendaro na pag-aari ng isang Lito Motor. Ito umano ang ikinagalit ni Supt. Crisanto Mendoza, hepe ng QCPD-Kamuning police station. Sa ngayon, ang QC Police Detachment ay nasa sa ilalim ng Kamuning Police Station dahil nasasakupan nito ang city hall.
Pinagalitan umano ni Mendoza si Claravall hindi dahil sa isinagawa nitong operasyon laban sa jueteng kundi dahil sa ang inaresto nito ay tauhan ng LM jueteng kung saan umano’ý kasosyo si Mendoza na miyembro ng Iglesia ni Cristo.

Namuhunan umano si Mendoza sa jueteng ni LM kaya naman ayaw na ayaw nitong magagalaw ang nasabing sugal. Mas nais ni-tong ipahuli kay Claravall ang jueteng na pag-aari ni Don Ramon, biyenan ng konsehal ng 3rd district na si Councilor Jaime Borres.

Hindi naman umano kayang ipagalaw ni Claravall ang jueteng ni Don Ramon dahil sa umanoý koneksyon ng may-ari nito sa isang opisyal ng lungsod. Takot ang mga pulis na asuntuhin at mapunta sa People’s Law Enforcement Board ang kanilang kaso dahil batid nila na may ka-lalagyan sila bagaman trabaho lang ang kanilang ginawa.

Malakas din ang bulung-bu-lungan na daig pa ni Mendoza ang district director dahil sa buong QC ang pinakokolektahan nito ng mga parating mula sa iligal na gawain tulad ng sugal at club na pawang prente ng prostitusyon. Gamit niyang kolektor sina Sarhento Jing Asenas at PO3 Buco. Kahit umano sa Cubao o Muñoz na di nila sakop ay pawang kinukoektahan ni Mendoza gamit ang QC Hall Police Detachment. May nagsasabing kahit sa Commonwealth ay may pinakokolektahan din umano ang nasabing opisyal.

Para sa kaalaman ng marami, ang QC Hall Police ang ginagamit ni Mayor Bistek sa mga operasyon niya laban sa mga iligal na gawain sa lungsod at bantay din ang mga pulis nito sa city hall compound.
Kinuwestiyon ni Mendoza ang operasyon ni Claravall at sinabing hindi niya dapat sinusunod si Mayor dahil ang tanggapan ni Claravall ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan.

Upang matigil na ang away na ito, makabubuting ayusin ito ng bagong district director na si Chief Supt. Mario dela Vega. Sir, hindi po maganda na may alitan at usaping ganito sa pagitan ng inyong mga opisyal. Parusahan ang may kasalanan tigilan na nila ang away ukol sa kotong o koleksyon. Para silang mga bata na nag-aaway sa isang pirasong tsokolate o kendi. Nakadidismaya, di po ba?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply