Passport ni Ramona Bautista kakanselahin na

NANINIWALA ang kampo ni Janelle Manahan, kasintahan ng napaslang na si Ramgen Revilla na maglalabas na ng resolusyon ang Parañaque Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa hirit nilang ipakansela sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ng akusadong si Ma. Ramona Belen Bautista na kasalukuyan pa ring nasa Turkey.

Ayon kay Atty. Resty Mendoza, abogado ni Manahan, bukas na magtatapos ang limang araw na palugit na ibinigay ni Parañaque RTC Judge Fortunito Madrona sa panig ng depensa upang maghain ng komento hinggil sa kanilang inihaing mosyon kaya posible nang maglabas ng resolusyon ang korte hinggil dito.

Umaasa ang kampo ni Manahan na kakatigan ni Judge Madrona ang kanilang inihaing urgent motion for cancelation of Philippine Passport laban kay Ramona na kaagad umalis ng bansa habang nasa kasagsagan pa ng imbestigasyon ang pagpaslang sa kanyang kapatid na si Ramgen.

Ipinaliwanag ni Mendoza na sa oras na makansela na ang pasaporte ni Ramona, malilimitahan na ang kanyang pagkilos sa Turkey at posible pang ikonsidera ng gobyerno ng naturang bansa na gawin siyang “undocumented alien.”

Idinugtong pa ni Mendoza na sa oras na katigan ng korte ang kanilang kahilingan, nakatitiyak na silang aaksiyunan na ng DFA ang ninanais nilang pagkansela sa pasaporte ni Ramona.

Kaugnay nito ay umaasa rin ang kampo ni Manahan na maglalabas na rin ng desisyon ang korte kaugnay sa kahilingan nilang maglabas ng hold departure order (HDO) laban sa mga akusado, kabilang na si Ramon Joseph “RJ” Bautista.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply