Payaso

SI JACK ay nagtatrabaho bilang payaso (clown) sa isang maliit na karnabal.

Sa kanilang pagtatanghal siya ang ginagawang katatawanan. Siya ang malimit na binabatukan, sinasampal, sinisipa at iba pang pananakit sa eksena. Ngunit kasama ito sa pagtatanghal at hanapbuhay.

Ang mahalaga ay sa bawat sakit na nararamdaman niya ay humahalaklak at natutuwa ang mga nanonood sa kanila.

Halos gabi-gabi ang palabas nina Jack ngunit walang reklamong tinatanggap niya ang mga pananakit na bahagi lamang ng kanilang pagpapatawa.

Maliit lamang ang kinikita ni Jack sa pagiging payaso at ipinadadala niya ang pera sa kaniyang pamilya sa Maynila.

Isang araw ay tumawag ang asawa ni Jack. “Jack, may sakit si bunso, kailangan ng pera pang-ospital.”

Sinubukang manghiram ni Jack sa boss niya pero hindi siya pinagbigyan.

Nagmakaawa si Jack at sinabi, “Boss, please naman kahit ano ang ipagawa mo, mapagamot ko lamang ang anak ko.”

Pumayag ang boss niya ngunit sa isang kondisyon, yun ay ang mas marami pang gulpi ang tatanggapin niya sa pagtatanghal.

“Mas gulpi ka, mas gusto ng tao. Mas kikita tayo para mabawi ko yung perang hihiramin mo.”

Sa sumunod na pagtatanghal ay mas grabe ang tinanggap na suntok, batok, sipa at iba pa ni Jack. At mas lumakas ang tawa ng mga tao.

Mas maraming nanood dahil sa may “sound effects” pa ang mga tama kay Jack.

Sanay si Jack sa pagganap bilang payaso ngunit sumobra ang paggulpi sa kaniya at hindi niya napigilin ang lumuha.

Ngunit kailangan niyang kayanin alang-alang sa kaniyang anak.

THE SHOW MUST GO ON.

Kinabukasan pasa-pasa ang katawan ni Jack. Ibinigay ng boss niya ang pera niyang hihiramin para maipadala sa anak niya.

“Galing mo, Jack! Kahit ang titindi ng tama sa’yo, nakatawa ka pa rin” ang pang-asar ng boss niya.

Sinagot siya ni Jack, “Boss ang tawa sa mukha ko kagabi ay nakapinta lang. Heto ang tunay kong mukha.”

Doon lang napansin ng boss ni Jack ang malungkot na mukha niya.

Ang totoong Jack nang walang nakapintang tawa sa mukha.

Marami sa atin na nakapinta lamang ang tuwa sa ating mga mukha.

Isang panlabas na anyo para itago ang totoong nararamdaman.

Sa pagtatanghal natin sa enteblado ng ating buhay, marami sa atin ang payaso.

Nakabalatkayo ang tunay na kalooban at pintura lamang ang saya sa labas na anyo.

At kapag hinugasan na ang pintura sa mukha, saka mo malalaman ang katotohanan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply