Pension sa SSS at SSS Pres. de Quiros

SA sulat na ipinadala sa ULTIMATUM ni Ms. Marissu G. Bugante, vice president ng Public Affairs and Special Events Division ng Social Security System, tinalakay ang kawalan ng kakayahan ng SSS na magtaas ng 10 porsyento sa pensyon ng mga miyembro nito sa inyong lingkod.

Ibinunga ang reaksyon ng SSS ng pagtatanong ng isa nating texter kung bakit walang 10% yearly increase sa kanilang pensyon.

Lumabas ang text message sa ating kolum na pinamagatang “Walang SSS, Philhealth at Palpak ang GSIS, PVAO.”

Ayon sa ating texter na isang maliit na pensiyonado, hirap na hirap siya sa kanyang pensyon na nagkakahalaga ng P1,320 lamang.

SSS IIGSI ANG BUHAY

Paliwanag ni Bugante, iigsi ang buhay ng SSS ng dalawang taon kung magbibigay ito ng taunang 10% increase sa pensyon ng mga miyembro.

Wala kasi umanong mapagkukunan ng pondo ang SSS para sa ganitong programa.

SINGILIN NG SSS ITATAAS

Para magkaroon umano ng katuparan ang pangarap para sa 10% yearly increase, kailangan umanong itaas ang bayarin ng mga miyembro mula sa 10.4% sa 11%.

Kailangan din umanong itaas ang monthly salary credit mula P15,000 hanggang P20,000.

Ibig sabihin nito, mga Bro, itataas na ang singilin, itataas pa ang basehan ng singilin.

‘Yang tinatawag na monthly salary credit ang basehan ng computation.

Sa ganitong style, lalaki nga ang kikitain ng SSS.

At dito na umano mapagbibigyan ang kahilingan ng mga pensiyonado na magkaroon ng 10% increase at iba pang mga benepisyo ng SSS member, pensiyonado man o hindi.

TAGHIRAP NA PAHIHIRAPAN PA

Alam kaya ng mga hinayupak diyan sa SSS na sobrang hirap na ang dinaranas ng mga employer, maging ang mga employee, sa kasalukuyan dahil sa kagagawan ng pamahalaan?

Tingnan ninyo, grabe na ang pananalasa ng 12% expanded value added tax sa konsumo ng kuryente at tubig sa mga opisina at pabrika ng employer.

Kapag naglabas ang employer, sa bisa ng lakas paggawa ng mga empleyado ng kanilang mga produkto para ibenta, andiyan pa rin ang 12% EVAT sa diesel at gasolina at toll sa mga superhighway.

Lahat ng mga gamit sa opisina at gamit sa produksyon, mga Bro, may patong na 12% EVAT.

Bukod pa rito ang mga corporate tax na napakatataas.

Naririyan din ang iba pang mga bayarin gaya ng mga prangkisa, lisensiya, permit, clearance at iba pa na pinamahal na nang todo ng pamahalaan.

At ang nakaloloko, lahat ng naniningil ang napakamahal: barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan at national government.

PINAHIHIRAPAN DIN NG KORAP

Iba pa ang singil ng mga animal na korap sa pag-aaplay ng prangkisa, lisensya, permit, clearance at iba pa.

Kapag may kinasuhan ka, napakamamahal na rin ang mga bayarin sa hukuman.

Tanungin niyo pa si impeachment boy Chief Justice Renato Corona.

Akalain niyo ba na manghingi ka lang ng postponement sa hearing, pagbabayarin ka na ng mahal.

Maging ang mga kasong kriminal na paghahabol ng mga employer sa mga mandurugas na empleyado at estapador na employer, may bayad na rin sa parte ng mga nagdedemanda.

ANG NEGOSYO

Balik sa punto, mga Bro, dagdag na pahirap sa employer ang balakin ng SSS.

Kasi naman, mas malaki pa ang binabayaran ng employer kaysa ng empleyado.

Hindi ang empleyado ang mahihirapan nang todo kundi ang employer sa pagtataas ng mga bayarin sa SSS.

Imadyinin ninyo kung may 100 o 500 o 1,000 na empleyado.

Hindi ba sobrang bigat ang kontribusyon ng employer diyan?

IBA SA GSIS

Para mas malinaw ang ating ipinupunto, mga Bro, sa parte ng mga opisyal o empleyado ng pamahalaan, ang kanilang monthly salary credit  ay batay sa aktwal nilang sahod.

Diyan na rin kinakaltas ang kanilang bayarin sa SSS at hindi nagbibigay ang gobyerno ng kontribusyon nito.

Para masustine ng gobyerno ang malalaking pensyon ng GSIS members, sinisingilan nito pati ang mga nasa 36 milyong pribadong employer at empleyado ng mga EVAT at  nabanggit nang mga bayarin.

Kaya walang problema ang gobyerno na employer ng mga GSIS member.

Kaiba ang kalagayan ng mga employer sa pribadong sektor.

ANG ATING MUNGKAHI

Nitong nagdaang mga araw, isa sa ating kolumnista ang pinagsumbungan ng mga empleyado ng SSS kung ano ang nagaganap sa  SSS.

At isa sa mga isinumbong ang pagiging lakwatsero umano ng bosing ng SSS na si President Emilio de Quiros.

Masipag umanong dumalo ng mga miting o forum itong si De Quiros para nga naman ma-feel niya ang damdamin ng mga lokal na SSS.

Pero kakambal pala ng pagdalo-dalo nito sa mga meeting at forum ang pagiging turista alyas lakwatsero na rin.

Heto ngayon ang ating mungkahi para hindi mabawasan at lumago ang pondo ng SSS.

Dapat tigilan ni De Quiros ang ganyang work style na umuubos sa pondo ng SSS.

Anong malay natin na mayroon pang katulad na nagaganap sa SSS ngunit isinisisi sa mga empleyado at employer ang kakapusan umano ng pondo ng SSS.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply