Pinagmulan ng kopya ng bank records ni Corona, lumilinaw na

NANINIWALA si Senate majority leader Tito Sotto na unti-unti nang lumilinaw ang pinagmulan ng kopya ng bank records ni Chief Justice Renato Corona.

Ito ay makaraang ibunyag ng Katipunan branch manager ng PSBank Annabelle Tiongson na personal na nagtungo sa kanya si Rep. Jorge Banal para kumpirmahin kung may hawak itong dokumento na naglalaman ng signature card.

Ang nasabing signature card na ginamit ng proseksuyon ay sinasabi naman ni Rep. Rey Umali na ibinigay sa kanyang ng isang “little lady.”

Iginiit ni Sotto, malinaw na gawa-gawa lamang ang sinasabing “little lady” lalo na’t hindi ito nakita sa CCTV ng senado.

Gayunpaman, kaduda-duda rin ang pahayag ni Banal na nakuha nito ang kopya ng dokumento dahil may nag-iwan sa gate ng kanyang bahay.

Sa pagtaya ni Sotto, nag-leak ang dokumento mula mismo sa Philippine Savings (PS)Bank na posibleng noong Disyembre pa ito hawak ng prosekusyon.

Ani Sotto, kailangan na malaman o matunton ang pinagmulan ng bank records ng punong mahistrado para pagpanagutin.

Para naman kay Senador Antonio Trillanes, hindi na ang impeachment court ang dapat na bumusisi at magdetermina kung sino ang talagang nag-leak at nagbigay ng bank document ni Corona sa prosecution panel.

Aniya, mas makabubuting idaan na lamang sa pagdinig ng kinauukulang komite ng Senado ang pagdetermina sa source ng nabanggit na dokumento.

Dahil dito, ayon kay Trillanes, nakatuon tuloy ang paglilitis ng impeachment court sa usaping ito na “irrelevant” sa main issue.

Samantala, ayon naman kay Senador Francis Pangilinan, nais nitong maresolba sa lalong madaling panahon isyu sa natanggap na bank document ng prosecution para makapag-focus na muli ang impeachment court sa kaso kontra sa punong mahistrado.  Vicky Cervales

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply