Pinakamababang bilang ng pumasa sa Napolcom exam naitala

PINAKAMABABANG bilang ng mga pumasa sa isinagawang entrance at promotional examination ang naitala sa pangangasiwa ng National Police Commission (Napolcom) noong nakaraang taon sa ilang piling paaralan sa Metro Manila at 19 na testing centers sa buong kapuluan.

Ayon kay Napolcom Chairman at Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo, 6,874 lamang mula sa 41,980 na kumuha ng pagsusulit noong Oktubre 23, 2011 ang nakapasa o katumbas lamang ng 16.37% na pinakamababa na sa kasaysayan ng pagbibigay ng pagsusulit.

Sa kabuuang 21,097 na kumuha ng entance examination bilang isa sa mga panuntunan upang makapasok sa puwersa ng kapulisan, umabot lamang sa 838 o 2.97% ang pumasa habang 6,036 naman mula sa 20,883 na kumuha ng promotional examination ang nakapasa na katumbas ng 12.40%.

Ipinaliwanag ni Robredo na ang napakababang bilang ng mga nakapasa sa ibinigay na pagsusulit na pinangasiwaan ng Napolcom ay sanhi ng patuloy nilang pagtataas sa mga panuntunan upang masalang mabuti ang mga nagnanais pumasok sa puwersa ng Philippine National Police (PNP).

Aminado naman ang Napolcom na may pagkakamali sa unang resulta na lumabas noong Pebrero 2 sa kanilang website kung saan umabot sa 1,235 ang nakapasa sa mga kumuha ng entrance examination kaya nagkaroon ng kalituhan lalu na sa mga hindi na napabilang sa 838 na bilang ng mga nakapasa.

Nagkaroon ng teknikal na problema kaya nagkamali ng paglalagay ng resulta na kaagad namang naitama makaraan ang ilang oras bagama’t may ilan na ring nakabasa sa kanilang pangalan ang nangamba kung napasama sila sa nakalusot sa pagsusulit.

Dahil dito, nagpalabas ng anunsiyo ang Napolcom na maaaring suriin sa kanilang website na www.napolcom.gov.ph ng mga kumuha ng entrance examination kung nakapasa sila sa naturang pagsusulit upang hindi na magkaroon pa ng kalituhan.

Sinabi pa ni Vice Chairman Eduardo Escueta na ang ipadadala nila sa pamamagitan ng koreo ang resulta ng pagsusulit sa lahat ng mga kumuha ng entrance examination.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply