PNoy pinasaringan si Corona sa Edsa

ITO na ang tamang panahon para kumilos ang lahat upang makamit ang tunay na kaunlaran at hustisya ng bansa.

Ito ang panawagan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa  idinaos na ika-26 na taong anibersaryo ng Edsa People Power Revolution sa People Power Monument sa kahabaan ng Edsa sa Quezon City.

Tinuran ng Chief Executive na hindi pa tapos ang rebolusyon, ang ipinaglalaban ng EDSA partikular na ang kawalan pa rin ng tunay na hustisya sa bansa.

Pinasaringan din nito si Supeme Court Chief Justice Renato Corona.

Aniya, sa ngayon ay nababalot umano ng kontrobersiya ang may hawak ng timbangan ng hustisya.

Sinabi pa rin ng Punong Ehekutibo na ngayon na ang panahon at tamang pagkilos upang makamit ang nasabing adhikain upang matanglawan ang ating lahi.

Tinuran ng Pangulo na “EDSA natin ngayon” at “Panahon na. Kung hindi ngayon, kailan pa?”

Wala namang direktang tinukoy ang Pangulong Aquino kung ano ang espesipikong dapat gawin ng mga mamamayan laban kay Corona.

Sa kabilang dako, ikinuwento ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng People Power Revolution noong 1986.

Sa kasalukuyan aniya ay patuloy pang kinikilala na ito ay milagro sa buong mundo.

Bunsod ng naturang pagkilos, sa pagsama-sama ng mga mamamayan, nakamit ang demokrasya.

Subalit, aanhin naman ang demokrasya kung nananatili pa rin ang hindi tuwid na landas, nananatiling mahirap ang mga mamamayan at hindi pa rin ganap na malaya sa injustice.

Dapat aniyang ituloy ang ipinaglalaban pero katunayan nagsisimula na ang reporma.

Ipinagmalaki rin nito ang mga nakamit partikular sa sektor ng ekonomiya, ang tumaas na credit rating at tumaas na figures sa ekonomiya.

Matapos ang talumpati ng Pangulo, pumailanlang naman ang awiting “Bayan Ko” ni Freddie Aguilar na siyang umawit mismo sa paggunita ng Edsa People Power Revolution.

Bago ang talumpati ng Pangulo, ginanap ang tradisyunal na “Salubungan” na pinangunahan ng ilang key players ng EDSA partikular nina dating Pangulong Fidel Ramos at dating Sen. Agapito “Butch” Aquino.

Nakiisa rin ang maraming mga pulis, sundalo at tangke pandigma ng sandatahang lakas ng Pilipinas na nilagyan ng kulay dilaw na bulaklak at ribbon.

Agaw-eksena naman ang ginawang pagpapaulan ng mga kulay dilaw na confetti ng chopper ng Philippine Air Force (PAF) habang pumailanlang naman ang awiting “Handog ng Pilipino sa Mundo” at “Magkaisa.”

Sa “Salubungan” noong Pebrero 25, 1986, nagsanib ang grupo nina Ramos at Enrile mula Kampo Crame sa grupo nina dating Pangulong Cory Aquino at mga sibilyan mula sa EDSA Shrine na nagtipun-tipon matapos marinig ang panawagan ni Jaime Cardinal Sin.

Tampok din ang flag-raising ceremony na dinaluhan nina Vice President Jejomar Binay, dating Pangulong Joseph Estrada, Ramos, Senate Pres. Juan Ponce-Enrile, House Speaker Sonny Belmonte at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Nakiisa rin si Senate Majority Leader Tito Sotto na siyang nagsulat ng awiting “Magkaisa” na naging themesong ng mga panahong iyon.

At gaya ng inaasahan, lumutang ang kulay dilaw sa mga dumalo at nakibahagi sa aktibidad. Kris Jose

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply