PNoy sa taumbayan: ‘Samahan ako sa laban’

“KAILANGAN ko ang tulong ninyo para tapusin ang labang ito.”

Ito ang panawagan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa taumbayan para makibahagi sa pagpapatuloy ng nasimulang laban sa Edsa People Power Revolution.

Sa isinagawang ceremonial turn-over ng 21,000 pabahay para sa mga sundalo sa Trece Martirez, Cavite na bahagi ng paggunita sa anibersaryo ng Edsa People Power ay sinabi ng Punong Ehekutibo na bagama’t marami na ang nasimulang pagbabago, hindi pa tapos ang laban batay sa mga nangyayari sa kapaligiran.

Aniya, kinakailangan ang tulong ng mga mamamayan para hindi na makabalik ang mga naghaharian at mga nagkamal sa pera ng bayan.

Sa naturang programa, ipinagmalaki ni Pangulong Aquino ang mga nagawang pagsasaayos ng kanyang administrasyon sa hanay ng mga sundalo.

Bukod sa pabahay ay pinalakas din ang kanilang kakayahan at inayos ang mga sistema sa transaksyon at paggamit sa pondo ng militar.

Sa nakalipas umanong tatlong administrasyon, P33 bilyon lamang ang nagamit sa AFP Modernization Program habang sa loob lamang na 17 buwan sa puwesto, nakapagpalabas na ito ng P28 bilyon.

Lahat umano ito ay bahagi ng masigasig na kampanya para mabura ang “kawawang cowboy image” ng mga sundalo.

Kasabay nito, sa pamamagitan ng video conference ay nagkaroon din ng pakikipag-ugnayan ang Pangulo sa Cagayan de Oro City partikular sa mga biktima ng bagyong Sendong.

May Edsa celebration din sa bahagi ng Mindanao kung saan pinapangunahan ito ni Edsa People Power Commissioner Ogie Alcasid.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply