Preso kinuyog ng kapwa mga bilanggo, todas

PATAY ang 47-anyos na preso nang kuyugin ng mga kasamahan niyang bilanggo makaraang magwala at manghalihaw ng saksak sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) kaninang umaga sa Muntinlupa City.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa NBP Hospital si Raul Ruvares, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang at nabilanggo sa kasong pagpatay sanhi ng mga tinamong grabeng pinsala mula sa kamay ng kapwa niya preso.

Sugatan naman matapos masaksak sa braso ang isa ring bilanggo na si Mark Anthony Armoganda, 26, na unang nahagip nang magsimulang mag-amok si Ruvares pasado alas-8 ng umaga.

Sa impormasyong ibinahagi ni NBP officer-in-charge Supt. Richard Schwarzkopf, Jr., nag-uusap-usap ang pangkat ng Sputnik Gang nang bigla na lamang magwala si Ruvares, hawak ang isang patalim sa hindi pa mabatid na dahilan.

Aminado si Schwarzkopf na maraming pamamaraan ang mga bilanggo upang makapagpasok ng patalim sa loob ng bilibid at isinasagawa nila ito sa oras na makakita ng oportunidad sa kabila ng mahigpit na pagrerekisa na kanilang ipinatutupad

Tatlong preso naman ang isinasailalim pa sa imbestigasyon dahil sa pagkakasangkot sa pambubugbog habang iniutos na ni Bureau of Correction (BuCor) Director Gaudencio Pangilinan ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa compound ng NBP.

Magugunita na noong nakaraang linggo lamang ay napaslang ang isa ring miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang matapos makasagupa ang grupo ng Commando Gang sa isang riot na nagsimula lamang sa hindi pagkakaunawaan sa larong basketball.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply