Prosekusyon: ‘Di kami nagsabi na 45 ang ari-arian ni Corona

PINASINUNGALINGAN ngayon ni Iloilo Rep. Niel Tupas, Jr. na hindi galing sa prosekusyon ang paghahayag sa publiko na si Chief Justice Renato Corona ay may 45 ari-arian na diumano’y hindi tugma sa kanyang sweldo.

Sa halip kinumpirma ni Tupas na sa inilabas na 45 na bilang ay 24 lamang dito ang malinaw na pag-aari ni Corona dahil ang iba aniyang dokumento na nakuha ng prosekusyon sa Land Registration Authority (LRA) ay kanselado o naibenta na.

Ito ay matapos tanungin ni Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada kung sino ang naglabas sa media ukol sa 45 ari-arian ni Corona.

“Hindi po kami. We did not release it to the media,” sinabi ni Tupas sa impeachment court.

Binigyang diin ni Tupas na 24 lamang ang mapatutunayan nilang pag-aari ni Corona “we will not reach 45.”

Binanggit pa ni Tupas na ang mga dokumentong nakalap nila ay galing sa LRA.

Pansamantalang sinuspinde ang paglilitis dahil sa napuna ni Presiding Judge Juan Ponce-Enrile na mismong ang mga senador na ang nagtatalo-talo.

Sa press briefing ay sinabi naman ni House Deputy Speaker Erin Tañada, spokesperson ng prosekusyon, na nakadepende aniya sa pagtatanong ng media ang maaaring isagot at ipahayag ng mga kongresista.

Kung pagbabasehan ang mga nagdaang press conference ng prosekusyon, sina Tupas at Marikina Rep. Miro Quimbo ang nagpahayag sa media na aabot sa 45 ang ari-arian ni Corona batay sa nakalkal nilang dokumento mula sa LRA.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply