Prosekusyon inaming duda sa bank deposits

SA SIMULA pa lamang ay nilinaw na ng prosekusyon na nagpaabot na sila ng paalala sa impeachment tribunal na sila man ay duda sa authenticity ng bank documents ni Chief Justice Renato Corona.

Paliwanag ng tagapagsalita ng prosekusyon na si Marikina Rep. Miro Quimbo na wala silang pagtatangka na iligaw ang impeachment court at publiko sa nasabing usapin at kung babasahin anila ang kanilang supplemental motion sa kanilang request for subpoena para sa bank records ay lagi nilang sinasabi na hindi nila masiguro ang authenticity ng mga dokumento na nagkataon namang totoo nga.

Nauna nang inihayag ni Annabel Tiongson, branch manager ng PS Bank sa Katipunan, Quezon City sa impeachment court na peke ang bank records ni Corona na nakalagay  request for subpoena ng prosecution.

Ngunit naninindigan ang prosekusyon na kung hindi galing sa PS bank ang nasabing mga dokumento ay saan kaya ito galing kung hindi sa bangko.

Binuweltahan naman ni Quimbo ang defense panel dahil sa pagsasabing ang lahat ng ebidensya na may kaugnayan sa bank deposits ni Corona na inamin at inihayag ng PSBank ay dapat na balewalain dahil hindi ito katanggap-tanggap.

Kaugnay nito, nanindigan naman si Mindoro Rep. Rey Umali na mayroong  “small lady” na nagbigay sa kanya ng dokumento ng bank accounts ni Corona ito ay sa kabila ng ulat ni Senate Majority leader Vicente Sotto III na lahat nga kuha ng CCTV sa Senado ay walang nakitang small lady na lumapit sa senador.

Mula ito nang dumating ang kongresista sa Senado ng ala-1 ng hapon noong Pebrero 2  hanggang sa sumakay ng sasakyan at umalis ng Senado pasado alas tres ng hapon.

Giit ni Umali, totoong isang maliit na babae ang nag-abot sa kanya ng envelop na naglalaman ng bank documents ni Corona kayat balak nito na i-review ang kuha ng CCTV upang malaman kung anong partikular na ang mga lugar sa Senado ang nakunan nito.

Idinagdag pa nito na ginawa lamang niya ang nararapat nang ibigay niya ang mga dokumento sa panel ng prosecutors at ipaubaya sa kanyang mga kasamahan ang pag-analyze nito.

Bukod dito, sadyang mahirap umanong beripikahin kung lehitimo ang mga dokumento dahil hawak ng PS Bank ang orihinal nito na ayaw isapubliko.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply