Protektado ng pulis

TULUY-TULOY na naman ang operasyon ng mga luma at bulok na sinehang nagpapalabas ng malalaswa na pinapasok naman ng mga bakla, matrona at mga lalaking nagbebenta ng panandaliang aliw sa Quezon City.

Karamihan sa mga sinehang ito na front ng prostitusyon ay pag-aari ng isang nagnganagalang Boy Lao na nagpapakilalang malakas sa Quezon City Hall.

Malakas nga ba talaga si Boy Lao kay Mayor Herbert Bautista? Ilang beses nang sinalakay ng QC Hall Police Detachment ang mga bulok at lumang sinehan ni Lao na bukod sa malalaswang palabas ay nagsisilbing motel na rin sa mga nagtitipid sa pagbili ng sariwang laman.

Ayaw ni Bistek na nababastos ang kanyang lungsod kaya’t ayaw rin niya ng operasyon ni Boy Lao. Kaya nga nais niyang maipasara na ang mga sinehang ito na hindi magandang halimbawa sa mga kabataan.

Ang dapat mabatid ng alkalde ng QC ay pinagkakaperahan ng pulis ang establisimyento ni Lao. Linggo-linggo ay kinokolektahan ng isang PO3 Jing Asenas ang mga sinehan ni Lao. Hindi naman sakop ng istasyon kung saan nakatalaga si Asenas ang mga sinehan dahil nasa Cubao ito subalit sa nasabing pulis ibinibigay ang parating dahil nagpapakilala itong naka-assign sa QC Hall Police Detachment.

Batid ba ng kanyang among si Supt. Cris Mendoza ang mga pinaggagagawa ni Asenas? Bukod sa mga sinehan sa Cubao, pinakikialaman din ni Asenas ang koleksyon ng illegal gambling sa ilang lugar sa QC na hindi naman nila sakop tulad ng Old Balara at Commonwealth.

Sa mga nasabing lugar, ginagasgas ni Asenas ang pangalan ng QC Hall Police Detachment. Alam ba ito ni Chief Insp. Ritchie Claraval? Posibleng hindi dahil hindi naman niya tao si Asenas.

Pero ayon naman sa ilang pulis, ginagamit ni Asenas ang QC Hall Police Detachment dahil nasa sakop na ito ng istasyon ni Mendoza. Ibig bang sabihin nito, alam ni Mendoza ang mga koleksyon ni Asenas?

Ay naku, calling the attention of new QC Police District director Chief Supt. Mario dela Vega upang paimbestigahan ang bagay na ito upang hindi magalit si Mayor Herbert Bautista dahil ayaw niya ng mga usapin kaugnay sa koleksyon o proteksyon sa mga iligal.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply