Pulis ‘wag nang pagamitin ng armas – Obispo

SANG-AYON si Sorsogon Bishop Arturo Bastes na huwag nang pagamitin pa ng armas ang mga pulis.

Ayon kay Bastes, sa halip kasi umanong makatulong sa mga pulis ang armas para sugpuin ang kaliwa’t kanang krimen sa bansa ay nagagamit pa ito ng ilan sa kanila upang gumawa ng mga krimen.

Sinabi ng Obispo na dati naman talagang walang armas ang mga pulis at batuta lang ang gamit ng mga ito sa pagsugpo ng krimen.

“They should not use guns. Ang mga pulis before wala naman gamit na baril. Batuta lang. Sa totoo lang dahil sa baril na yan maraming pulis ang nasasangkot pa sa pamamaril,” ayon kay Bastes sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nagpahayag din ng kalungkutan si Bastes na maraming insidente ng karahasan ang nagaganap ngayon na mismong tagapagpatupad pa ng batas ang sangkot sa krimen.

“Nakakalungkot dahil may mga pulis na corrupt at kung tawagin pa ay mga iskalawag. Sila pa itong nasasangkot sa krimen. Dapat they have these moral and right conduct dahil taga-pagpatupad sila ng batas,” aniya pa.

Kasabay nito, umapela si Bastes sa mga awtoridad na gawin ang kanilang trabaho at sugpuin ang mga inihahasik na karahasan ng masasamang elemento sa lipunan.

“I am appealing to them na tutukan nila ang mga krimen na nagaganap sa bansa. Kulang na kulang talaga ang kanilang mga ginagawa para masawata ang krimen,” ani Bastes.

Isinisi rin naman ng Obispo ang pagtaas ng krimen sa bansa dahil sa kahirapan, paglaganap ng droga, kawalan ng moralidad, kawalang pagpapahalaga ng tao sa buhay at kawalang pangil ng Pangulo ng bansa na ipatupad ang batas ng walang kinikilingan.

Sinegundahan naman ito ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz at sinabing talagang malamya si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa kampanya nito para sugpuin ang kriminalidad sa lipunan.

Ayon kay Cruz, naging mahusay lamang ang mga kapulisan sa pagsugpo ng krimen sa panahon nang pamumuno ni Senador Panfilo Lacson.

“Simula’t simula naman ay talagang ganyan yan. Ang ating Pangulo naman talaga ay mahina. Ang alam ko ang mga kapulisan ay naging mahusay lamang noong panahon ni Senador Panfilo Lacson,” ani Cruz.

Dismayado rin si Cruz na tumaas ang kaso ng kidnapping sa administrasyon ni PNoy na base sa datos ay 12 kaso na, gayundin ang extra-judicial killings at mga unsolved crime sa bansa. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply