Pulis-pulisan

HINDI lang basta pakiusap ang nilalaman ng text message ng isang masugid na mambabasa ng ating pahayagang Remate kung hindi halos isa na itong pagsusumamo na mailathala ang kanilang reklamo sa nagpupulis-pulisang umano’y asset ng Quezon City Police District (QCPD) – Station 7 na si alyas Jigz Buraot.

Nais nito na makarating sa kaalaman ni Supt. Ramon Pranada, hepe ng Quezon City Police District – Cubao Station 7, ang mga kalokohang pinaggagagawa ng taong ito na kung umasta ay akala mong totoong pulis.

Pabigat sa mga vendor at barker, kasama ang driver, si Jigz dahil sa walang awa at puknat nitong pangongotong sa mga nagbabanat ng buto at nagpapatulo ng pawis upang mabuhay ng maayos.

Araw-araw ang ginagawang pangingikil ni Jigz Buraot sa vendors at barkers sa Cubao. Ipinagyayabang nito ang koneksyon niya kay Col. Pranada. Kaya nga takot ang mga kinikikilan nito na hindi magbigay dahil hinuhuli ang mga ito at kinukumpiska ang kanilang mga paninda.

Mayroong nagbibigay na agad upang hindi sila makulong habang ang iba naman dahil wala talagang pera ay nakukulong na lang. Hindi lang ang hinuling vendor ang apektado dahil pati pamilya nila ay magtitiis sa gutom.

Mabilis naman ang ginawang aksyon ni QCPD director Chief Supt. George Regis kaya’t iniutos nito na maimbestigahan ang reklamo ng vendors. Ayaw ni Regis ng may reklamo at naaapi. Batid kasi niya na pinaghihirapan ng mga ito ang perang kinukuha lang ng taong umaastang pulis. At para pa rin kay Regis, hindi matinong gawain ng pulis ang mangotong.

Hiling naman ng isang concerned citizen ng Barangay 1 San Juan, Ternate, Cavite, na maipaabot sa pamunuan ng kanilang barangay at maging ng pamahalaang bayan ng Ternate na malagyan ng curfew hour ang mga kabataan sa kanilang lugar.

Natatakot ang nagpadala ng message na lumaganap ang bisyo at madamay ang mga anak at kamag-anak niya. Mahirap nga naman sa isang magulang na makitang lugmok sa masamang gawain ang kanyang dugo’t laman.

Naniniwala ang concerned citizen na isang paraan ang curfew para matulungan ang mga magulang na madisiplina ang kanilang mga anak na natututong umuwi ng hatinggabi o kaya naman ay madaling araw. Mapipigilan din ng curfew na malulong sa bisyo ang mga kabataan na namamalagi sa lansangan.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari   kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11-@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply