Reflectorized vest sa Marikina

TALAGANG pinag-iinitan ang mga nagmo-motor dito sa ating bansa.
Sunod-sunod ang mga walang kwentang mga panukalang gustong isabatas ng mga opisyal ng gobyerno sa iba’t ibang bayan at syudad.

Noong isang linggo ay isinulat ko ang tungkol sa pagbawal ng riding in tandem sa Maynila. Ang huli kong balita dito ay magsasagawa ng public hearing ang Sangguniang Panglunsod sa Peb 9.

Sa Marikina naman ngayon ay may panukalang dinidinig, ang Proposed Ordinance No. 11-307 Series of 2011 na pag naisabatas na ay magiging Motorcycle Reflectorized Vest Ordinance of 2011 na akda ni City Councilor Frankie Ayuson.

Ibang klase. Bakit? Ang nakasaad sa ordinansang ito ay upang pagsuotin ng reflectorized vest ang motorcycle rider maging ang backrider nito. Ok. Mukhang walang problema ano? Eto na, ang mga reflectorized vests na iyan ay lalagyan ng isang patch kung saan nakasulat ang plate number ng iyong motorsiklo na may sukat na apat na pulgada. Gusto kong tanungin si Konsehal Ayuson kung napag-isipan ba niya ito at kung anong basehan nito. Kung kriminalidad ang basehan niyo Konsehal ay hindi po ito ang solusyon sa problemang iyan.

Uulitin ko po gaya ng aking sinabi nakaraan, hindi dapat at kailanman isisi ang pagkukulang ng polisya sa mga nagmomotor. Ano ba naman?

Sige, kunyari naipasa na ang inyong panukala. Nakasisiguro ba kayo na walang pwedeng kumopya sa aking plate number at ilagay rin sa kanyang reflectorized vest? Ano na lang ang mangyayari sa tunay na may-ari ng plate number? Ikukulong at pipiliting umamin sa krimeng wala siyang kinalaman. Kundi man ay perwisyo pa rin ang idudulot nito sa pobreng tunay na may-ari. At paano naman kung ang isang tao ay maraming motorsiklo? Kung sampu ang kanyang motor ay sampung vests din ang kanyang kailangan. Hindi pa ako tapos.  May ibang taong sadyang maselan. Halimbawa, ginamit ni Juan ngayon ang kanyang motorsiklo. Paano kung bukas ay magmo-motor siya uli pero ayaw na niyang gamitin yung vest na ginamit kanina dahil ito’y napawisan na o may amoy na? Pwede po bang bumili ng dalawang vests na may plate number para sa isang motorsiklo?

Hindi ako magtataka kung papayagan ito. Asus naman talaga!

Ang sabi ni Marikina City Mayor Del de Guzman, “It has been hard for the police to identify the suspects in a motorcycle-involed crime since a motorcycle only has one plate at its rear end. By wearing reflectorized vests, it will be easier for the authorities to identify them.”  Ano kamo Mayor? It has been hard for the police? Kaya ngayon ang mamamayan naman ang gustong pahirapan ni Konsehal Frankie.

At sa pagsuot daw ng vests ay mapapadali ang kanilang paghuhuli sa mga kriminal. Ang husay talaga! Ang mga motorista ang apektado sa pagkukulang ng mga awtoridad.

Mga kagalang-galang, we, motorcycle riders, are doing our part by following the requirements of the Land Transportation Office (LTO).

Even those motorcycle lanes put up by the Metro Manila Dev’t. Authority (MMDA) with unsafe and unfair guidelines ay sinunod po namin. We have enough laws already. Implementation is what’s needed. Tama na naman po ang panggigipit niyo sa mga nagmo-motorsiklo.

*****

Isang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) ang namaril ng isang Toyota Innova at binugbog pa ang 20-anyos na drayber at isang pasahero nito na kanyang nakagitgitan kamakailan sa may South Super Highway.

Nahuli rin ng pulis sa may kalapit na hotel sa Pasay City ang clerk ng BOC na si Paulino Elevado at ang kanyang kasamang si Florencio Bato na nakisali rin sa pambubugbog. Ayon sa naiulat sa telebisyon, si Elevado ay may sahod na di hihigit sa P10,000. Ang kanyang dalang sasakyan nung nangyari ang insidente? Isang puting Porsche sports car.

*****

Maligayang kaarawan kay Paranaque Mayor Jun Bernabe at sa aking pinsan na si Kunny Dans!

***

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y mag-text sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply