Restaurant na naghahain ng exotic food kakasuhan ng DENR

KAKASUHAN na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang restaurant sa Pasay City na naghahain ng exotic food.

Ang paghahain ng ganitong klase ng pagkain ay isang paglabag sa Republic Act No. 9147 o Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act na ginagawa ng nasabing restaurant.

Sa ulat ni DENR-National Capital Region (NCR) Executive Director Nilo Tamoria kay Environment Secretary Ramon Paje, inihahanda na ng ahensya ang kaso laban sa Hingyak Delicious Seafood Restaurant.

Nag-ugat ang kaso sa pagkakakumpiska ng 4.25 kilograms ng iba’t ibang uri ng pagkain mula sa buhay-ilang tulad ng balat at karne ng ahas at tinadtad na karne mula sa malambot na shell ng pagong, sa isinagawang raid noong nakaraang Enero 30, 2012 ng pinagsamang operatiba ng DENR-NCR, National Bureau of Investigation (NBI) at wildlife enforcement officers ng Pasay City government.

Ang raid ay ikinasa matapos na makatanggap ng ulat mula sa publiko na naghahain ng exotic food ang naturang restaurant.

Lahat naman ng nakumpiskang mga kontrabando ay ibinigay sa Wildlife Rescue Center ng Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB) para ligtas na maitago.

Sinabi naman ni Paje, na ang magkatuwang na hakbang ng DENR at NBI ay isang malinaw na mensahe na seryoso ang pamahalaan sa kampanya upang protektahan ang buhay-ilang at ang balanseng ecosystem.

Aniya, ang pagkolekta, panghuhuli at pagkakanlong ng mga hayop na buhay-ilang at ng anumang bahagi nito, gayundin ang mga produktong mula rito, ay ikinokonsiderang iligal at napapatawan ng parusa kung walang kaukulang permit ang nagsagawa nito alinsunod na rin sa Wildlife Act.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply