Sec. Roland Llamas talagang minamalas

NAKUNANG bumibili ng pirated CDs ng isang lady reporter. Kinabukasan siya na ang tema ng balita at maiinit na talakayan sa media.

Bumibili lang ng piniratang CD, pero bakit  naging usap-usapan na ng madla si Presidential political adviser Sec. Rolando Llamas?

Para sa pangkaraniwang Juan dela Cruz, marahil ay walang masama sa ginawang pamimili ng butihing kalihim ng pekeng CDs.

Subalit sa sensitibong mga Pinoy na may malasakit sa takbo ng pamahalaan, ang ginawa ni Sec. Llamas ay “dapat kondenahin”.

Bilang mataas na opisyal ng gobyerno at political adviser pa ng Pangulong Noynoy Aquino, ang kanyang ginawa ay ‘foul.’

Pilit na nilalabanan ng pamahalaan ang pamimirata ng CDs dahil bawal ito sa batas, pero tinatangkilik naman ni Sec. Llamas.

‘Di ba’t salungat ito sa matuwid na daan ng Pangulo? ‘Yan ang dahilan kung bakit naging mainit na naman sa madla ang kalihim.

Nagtataka lang tayo kung bakit tila ‘di naisip ni Sec. Llamas na ang pamimili at pagtangkilik niya ng pirated CDs ay  ‘mali.’

Dahil sa padalos-dalos niyang ugali, ito ngayon at galit ang publiko, tinitira si PNoy na nagtalaga sa kanya sa posisyon.

Ilang buwan lang ang nakararaan, si Sec. Llamas ay naging sentro rin ng nagbabagang usapan at talakayan sa media.

Kasi, ang kanyang official car na na-involve sa aksidente sa Quezon City ay nakitaan ng mataas na armas na AK-47 automatic rifle. Sensitibo ang publiko sa ganitong nakikita sa mga opisyal ng gobyerno, lalo  pa’t  ito’y may perception na malapit sa Pangulo.

Ang payo natin sa mga  opisyal ng pamahalaan ay huwag padalos-dalos at mag-ingat naman sa kanilang mga ginagawa.

‘Di natin sinasabi na ‘di nag-iingat si Sec. Llamas sa kanyang mga ginagawa. Maaring minamalas kaya nagiging kontrobersyal.

Pero ang sinasabi kasi natin, iba yaong may pagsasaalang-alang sa ibayong pag-iingat para ‘di mangyari ang ‘di karapat-dapat.

Dahil ang bawa’t pagkakamali nila’y ang Pangulong Noynoy Aquino ang sumusuong sa mga birada at sisi ng sambayanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply