Senator-judges naguluhan sa testigo ng prosekusyon

NAGULUHAN ang mga senador sa testimonya ng iniharap na testigo ng prosekusyon.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Senate President at Presiding judge Juan Ponce Enrile ang koneksyon sa article II ng mga testimonya ni second director Benito Cataran.

“What isn’t truthful if the corporation or body lent money that is reflected in the SALN? You have not established the connection of what you are saying to this proceeding,” tanong ni Enrile.

Bunsod nito, pinasusumite ni Enrile si Cataran ang mga batayan ng pahayag nitong may karapatan ang SEC na mag-revoke at mag-dissolve ng isang korporasyon.

Ito’y matapos ilang ulit na banggitin ni Cataran ang naturang problema sa kompanya ng mga kaanak ni Mrs. Christina Corona na Basa-Guidote Enterprises.

Kinuwestiyon din ni Senador Edgardo Angara ang ‘kaugnayan ng testimonya ng testigo sa pagsasabing maaari pa ring mangutang ang isang kompanya kahit binawi na ang lisensiya nito.

“This is all much do about nothing… The revocation is distinct from dissolution,” ani Angara.

Paniniwala naman ni Senadora Pia Cayetano na irrelevant ang lisensiya ng Basa-Guidote.

Maging si Senador Joker Arroyo ay nairita at hindi na nakatiis para bigyan ng paalala ang prosekusyon sa paulit-ulit na mintis sa paglalahad ng testigo at ebidensiya.

Sa halip maliwanagan ang isyu ng utang ni Chief Justice Renato Corona sa korporasyong pag-aari ng kanyang misis, lalo pa iyong nagulo dahil sa hindi maayos na basehan ng pagkalusaw at pagkabuhay ng isang korporasyon.

Payo ni Arroyo sa prosekusyon, tingnan muna ang salaysay ng testigo at mga dokumentong ilalahad nito para hindi na makapagpahaba sa proceedings.

“Kung di kayo sure, ‘wag n’yong i-present ang mga testigo,” banggit ni Arroyo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply