Serye ng sanitation, disinfection sa pampublikong pasilidad sa MM ikakasa

MAGSASAGAWA ng serye ng sanitation at disinfection sa mga public facility sa Metro Manila ang Department of Health – Center for Health Development – Metro Manila (DOH CHD-MM) sa pangunguna ni Regional Director Eduardo Janairo.

Ayon kay Janairo, ang naturang programa ay bahagi pa rin ng Kalusugang Pangkalahatan (KP) program ng DOH.

Ang pagpapatupad ng naturang programa ay upang mapanatili ang mataas na antas ng basic hygiene sa bansa upang makaiwas sa mapanganib na organismo ang mga mamamayan.

“It should be acknowledged that we are exposed to potentially harmful organisms all the time. Adults do not often become ill because of immunity but infections can be passed on, even though someone appears well. That is why we must maintain a high standard of basic hygiene”, ayon kay Janairo.

Kabilang sa mga pasilidad na unang isa-sanitize at idi-disinfect ay ang Molave Youth Center, Quezon City Hall Compound, Tahanan Rehabilitation Center at Molave Rehabilitation and Action Center sa Payatas, Quezon City.

Sa ilalim ng programa, magbibigay ang CHD-MM ng technical at logistic assistance tulad ng spray machines, manpower at disinfectant habang ang LGUs naman ang tutukoy sa mga area na isa-sanitize at idi-disinfect.

Ang LGUs na rin umano ang magiging responsable sa pagmantine ng kalinisan ng pasilidad, kung saan ang target area ay ang mga work places, public markets, dump-sites at abattoirs.

Umaasa naman si Janairo na susunod na rin sa naturang hakbang ang iba pang LGUs sa Metro Manila at kaagad na maitatakda ang sanitation at disinfection sa mga public facility sa kanilang lugar.

Giit pa ng opisyal, na ang pag-iwas at pagkontrol sa impeksiyon ay responsibilidad ng lahat at bawat isa ay dapat na makiisa sa pagkontrol ng impeksiyon at mga nakakahawang sakit.

Aniya, dapat na magsagawa ng proper sanitation at disinfection ng mga public facility simula sa mga workplace upang matiyak na hindi maililipat sa tao ang virus at bacteria.

Ang mga bacteria, virus at iba pang micro-organisms ay maaaring ilipat sa tao sa pamamagitan ng direct contact sa isang taong infected nito tulad ng person-to-person sa kaso ng bulutong, tuberculosis, sexually transmitted infections at indirect contact sa kaso naman ng mga virus, bacterium at fungus.

Mapapatay naman umano ang lahat ng uri ng mikrobyo sa pamamagitan ng sterilization.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply