Si Bondying at si Budoy

MARAMI ang sumusubaybay sa teleserye na Budoy, pinagbibidahan nila Gerald Anderson, Tirso Cruz III, Zsa Zsa Padilla, Janice de Belen at marami pang iba.

Naging inspirasyon at magandang halimbawa si Budoy sa maraming kabataan. Nagbigay din ng pag-asa sa buhay ang karakter ni Budoy sa mga magulang na may special child.

Ipinakita ni Budoy na kahit may diperensiya o kakaiba siya ay maaari pa rin siyang magtagumpay, magmahal at tumulong sa kapwa. Mahalaga rin ang may mabuting kalooban at ang pagiging totoo at hindi mabuhay sa mundo ng kasinungalingan.

Asal-bata man si Budoy ay mas talo pa niya ang normal na tao pagdating sa
pagiging makatao.

Noong dekada 60’s ay may minahal at sinubaybayan din ang mga manonood ng pelikula at mambabasa ng komiks na karakter ng special child. Siya si Bondying.

Pinagbidahan naman ng dating konsehal ng Quezon City at award winning actor na si FRED MONTILLA ang pelikulang Bondying.

Si Bondying ay binata na ngunit “pinadedede” pa ng gatas. Naka stroller pa at “baby talk” magsalita. Siya ay napaka-Mama’s boy ngunit katulad ni Budoy ganoon man ang kanyang katayuan ay ginto rin ang puso niya pagdating sa pagtulong sa kapwa. Sa pelikula ay nag-mature rin si Bondying at natatandaan ko na si comedy king, Dolphy pa ang kasama niya sa pelikula.

Maganda marahil na ma-revive ang karakter ni Bondying, ano sa palagay mo, Mareng Neneng Montilla? Sa panonood ng Budoy at Bondying, may isang mensahe na nais iparating at ito ay ang kabutihan ng pagiging isang bata.

May isang pangyayari noon na ang mga magulang ay pilit na inilalapit ang kanilang mga anak sa isang nagtuturo ng mabuting balita. Ngunit inilalayo naman at pinipigilan ito ng kanyang mga kasama. Napansin ito ng tagaturo at sinabi na palapitin sa kanya ang mga bata. “Hayaan ninyong lumapit ang mga musmos sa akin.

Sinasabi ko sa inyo na sinoman ang hindi maging katulad ng mga batang ito sa pagtanggap ng kaharian ng Diyos ay hindi makapapasok dito.”

Maging ang ating Panginoon ay ginawang halimbawa ang mga bata sa pagpasok sa kanyang kaharian. Marahil ay ganoon din ang mensahe nina Budoy at Bondying para sa atin. Ang muling maging bata na malinis ang konsensya, hindi marunong magsinungaling, at masunurin sa nakatatanda. Mga mabuting kaugalian at nawawala sa atin habang tayo’y tumatanda.

* * *

Maraming Salamat kay Neneng Montilla sa pag-alala sa inyong lingkod. God Bless!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply