Si Mayor Lim, si PNoy, si Sec. Llamas at mga pirata

NAKAPAPRANING kung minsan ang nagaganap sa pamahalaan.

Bakit kanyo?

Aba’y may law enforcer, mayroon namang law breaker.

Gaya ng sa kaso ng pamimirata sa mga pelikula, musika at iba pang napanonood sa pelikula at video.

MAYOR LIM

Itong si Manila Mayor Fred Lim ay gumagawa ng paraan para mahinto na ang nabanggit na pamimirata.

Andiyan ang pakikipag-usap niya sa mga sangkot, kasama ang mga nagtitinda, para umiba sila ng paghahanapbuhay.

Kasabay nito ang pagbibigay sa kanila ng halos lahat na kakailanganin para yumabong ang kanilang bagong hanapbuhay.

At kasabay nito ang pagdurog nito sa mga piniratang materyales para ganap na mahinto ang matinding piracy.

Pero ano itong pangyayari na taliwas sa nais na maganap ni Mayor Lim para lang maipatupad ang batas laban sa pamimirata?

Sa Maynila kasi maraming nahuhuli na namimirata at tumatakas sila sa ibang lugar gaya ng Quezon City, atbp.

SI LLAMAS

Naaktuhan si Secretary Rolando Llamas na bumibili ng libo-libo ng halaga ng mga pirated na halo-halong mapanonood sa Quezon City.

Labag ito sa batas dahil bukod sa ipinagbabawal ang pagtitinda rito, parang pino-promote na rin ni Llamas ang piracy sa maramihang pagbili ng produkto rito.

Nag-sorry na umano itong si Llamas kay Pangulong Noynoy. Pero sapat ba ito para hindi siya maaaring papanagutin sa batas laban sa pamimirata?

KAY PNOY ANG PAGPAPASYA

Sa kabila ng lahat, ang mas masaklaw na paningin sa usaping ito ay na kay Pangulong Noynoy.

Magandang bigyan si PNoy ng kaukulang pagpapasiya rito, kung didisiplinahin niya si Llamas o hindi.

Naniniwala akong anoman ang magiging pasyang pinal ng Pangulo rito, yun ay ikabubuti ng nakararami.

Hindi porke nagkasala kasi ang isang opisyal ng pamahalaan ay basta itatapon mo na lang sa kangkungan.

Ang isa o dalawang mantsa sa damit ay hindi nangangahulugan na itapon mo na ang damit sa basurahan.

Pero sa huli, ang Pangulo pa rin ang magpapasya rito at kailangan na respetuhin siya.

APEKTADO DAPAT NA KUMILOS

Para magkaroon si PNoy ng tamang pagpapasya sa usapin, magandang makipag-ugnayan ang mga apektadong sektor sa kanya.

Halimbawa ang mga producer, artista at direktor ng mga pelikula.

Gayundin ang mga producer, mang-aawit, musician at iba pang nasa sining ng musika.

Isama na rin ang mga promoter, boksingero at iba pang artist sa iba’t ibang larangan.

At yung mga dayuhang apektado rin, dapat na sumangkot sa usapin.

Sa palagay natin, hindi basta babalewalain ni PNoy ang mga grupong ito kung isasampa nila ang kanilang mga hinaing sa Palasyo.

NEGOSYO LUGI, ARTISTA GUTOM

Dahil sa pamimirata, halos wala nang bumibili ng mga orihinal na kopya ng mga pelikula o video ng mga nabanggit na apektadong negosyante at artist.

Nagbabayad ng mahal ang mga financier, promoter at producer sa kanilang mga artist para lang may mapanood na pelikula at video ng mga ito. Nangungutang din ang mga ito ng salapi na may interes para mayroon silang panggastos sa kanilang negosyo.

At para bumalik ang kanilang mga puhunan at kumita na rin ng kahit kaunti, kailangan silang magbenta ng mga orihinal na pelikula at video.

Nagpapagod, nagpupuyat at gumagastos din ang mga artist sa pag-asang magkakaroon din sila ng kita sa mga pelikula at video.

Pero dahil sa mga pirata, nagkakandalugi-lugi na ang negosyong ito at nagkagutom-gutom na rin ang maraming artist sa mahal kong Pinas.

Kaya mahalaga ang partisipasyon ng mga ito sa pagbubuo ni PNoy ng tamang pasya sa usapin.

HINDI BASTA PAGLABAG

Hindi basta paglabag sa batas na Anti-Piracy Law ang kinasasangkutan ni Llamas, mga Bro.

Nakataya rin dito ang puhunan ng mga negosyante at ng sikmura ng mga artist.

Pati ang mga negosyante sa sinehan, apektado rin, mga Bro. Maiimadyin niyo ba na kahit gaano kaganda ang isang pelikula, eh, lalangawin ito dahil may nabibiling mga murang piniratang pelikula at video?

Kung tutuusin, kaya nga binuo at pinaiiral ang nasabing batas ay para maprotektahan ang interes ng mga pangunahing apektado sa problema. At sa pamamagitan ng batas, inaasahan ding kikita ang pamahalaan sa pamamagitan ng buwis.

Lahat ng mga lehitimong interes na ito ay maglalaho na parang bula kung mananatili ang pamimirata.

DELICADEZA PAIRALIN

Maganda na ring mag-isip-isip si Sec. Llamas kung paano nito palalayain si PNoy mula sa kahihiyan at sa paniniwala ng madlang pipol na kinukunsinti ni PNoy ang mga kalokohan ng kanyang mga KKK.

Kabaligtaran kasi ito ng pagpupursigi ni PNoy na mapatalsik sa puwesto si Chief Justice Corona dahil sa mga mali-mali umanong gawa at pangyayari ukol dito.

Mapupulaan si Pangulong Noynoy kung hindi magtino o walang delicadeza  itong si Sec. Llamas.

Lalo’t hindi lang naman ang pamimili ng piniratang mga pelikula, musika at iba pa ang napabalitang pagkakamali nito. Maging ang pagpapabaya nito sa hawak nitong high powered firearms ay naging kontrobersyal din ilang buwan na ang nakararaan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply