Sigalot sa impeachment, lulutasin sa Lunes

LULUTASIN ng Senate bilang impeachment court ang sigalot hinggil sa impeachable offense ni Chief Justice Renato Corona sa isang caucus sa Lunes (Pebrero 6) upang umayos ang argumento sa sinasabing paglabag ng punong mahistrado sa Saligang Batas.

“Magkakaroon kami ng caucus sa Lunes upang lutasin ang lahat ng mosyon at manipestasyon sa impeachment court,” ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile.

Nitong Huwebes (Pebrero 2), kinuwestiyon nina Sen. Joker Arroyo at Sen. Chiz Escudero kung dapat mahatulan ang punong mahistrado sa paglabag na inilantad ng prosecution panel sa impeachment court.

Sinabi ni Arroyo na dapat maglatag ng ebidensiya ang prosecution na may kinalaman sa impeachable offense kay Corona kasi hindi bawat paglabag ay impeachable offense.

“Not every offense is an impeachable offense,” ayon kay Arroyo nang igiit ng prosecution na paglabag ang mali at kulang na paglalagay ng ari-arian sa SALN ni Corona hinggil sa tunay na halaga ng biniling properties na pag-aari niya at kanyang pamilya.

Sinusugan naman ni Escudero ang pahayag ni Arroyo sa pagsasabing kung nahuli si Corona ng jaywalking, mahahatulan siya sa naturang paglabag. “Pero, hindi naman impeachable offense ang jaywalking.”

Naunang inilantad ng Registrar of Deeds ng Quezon City at Marikina at opisyal ng Burgundy Plaza, Megaworld at Ayala Land ang Deeds of Absolute Sale, Transfer of Certificate of Title at Certificate Authorizing Registration, na siyang ginamit ng prosecution bilang basehan upang idikdik si Corona na hindi nito makatotohanang naideklara ang tunay na halaga ng kanyang ari-arian sa kanyang SALN o hindi talaga itinala na isang paglabag sa ilalim ng Article of Impeachment Number 2. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply