Sina Lazo at Tacandong, PNP-CIDG at Ombudsman

SA nasa kamay nating dokumento, nasampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ang ilang opisyal at tauhan ng Food and Drug Administration.

Yun bang === sina FDA Director Suzette Lazo at Deputy Director Nazarita Tacandong at iba pang opisyal at tauhan ng FDA.

Isinampa ang kaso nina Police Superintendent Jonnel Estomo, Police Inspector Cesar Dalonos at PO3 Jonathan Jordanal ng National-Capital Region-Criminal Investigation and Detection Unit ng Philippine National Police.

Natanggap ng Ombudsman ang complaint o sumbong nitong Pebrero 22, 2011 lamang.

Kung ano ang magiging aksyon ng Ombudsman dito ay hindi natin alam.

Basta ikukuwento lang natin, mga Bro, ang nilalaman ng sumbong at hindi natin pupuwedeng pangunahan ang nasabing ahensya ng gobyerno.

ANG PAGLABAG NINA LAZO

Ayon kina Estomo, nilabag nina Lazo at Tacandong ang Republic Act 3019 o Anti-Graft and Practices Act.

Nag-isyu kasi umano sina Lazo at Tacandong ng kuwestiyonableng License to Operate sa Marco Polo Flour Mills Inc. noong Disyembre 28, 2010 sa kabila ng pagsasailalim ng nasabing kompanya sa isang kaso sa sala ni Judge Amor Reyes ng Regional Trial Court of Manila dahil sa mga paglabag nito sa iba’t ibang batas.

Isa pa, nakapagtataka umanong napakabilis nina Lazo sa pag-iisyu ng LTO sa Marco Polo dahil nangyari ito sa loob lamang ng 12 araw makaraang i-raid nina Estomo ang planta ng Marco Polo noong Disyembre 9, 2010.

Imposible umanong makagagawa at makapagsusumite ang Marco Polo ng lahat ng mga dokumento na kailangan nito para sa LTO sa dami ng mga rekisitos para rito.

Nakapagtataka rin umano ang pagpunta ng mga taga-FDA sa planta ng Marco Polo sa No. 53 Planters St., Rincon Compound, Malinta, Valenzuela City para mag-inspeksyon samantalang nag-isyu na sina Lazo ng LTO.

Isa pa, may sulat ang FDA kina Estomo na nagsasabing hindi pupuwedeng bigyan ang huli ng una ng lahat ng mga dokumento ukol sa Marco Polo dahil may “confidential” umano sa mga ito.

Hehehe. Ang gagaling nina Lazo, Tacandong et. al.

ANG MARCO POLO FLOUR MILLS, INC

Nagsimula ang lahat, mga Bro, sa natagpuan nina Estomo na paglabag sa iba’t
ibang batas.

Ang Marco Polo umano ay gumagawa, nag-iimport, nagbebenta at nagpapakalat ng masama at mislabelled na arina.

WALANG VITAMIN AT IRON

Mismong ang FDA ang nagsasabing walang Vitamin A at Iron ang mga bentang arina ng Marco Polo.

Napatunayan ito ng FDAmakaraang makakuha ang NCR-CIDG ng sampol ng arina mula sa Marco Polo.

Sa nasabing test buy, mga Bro, nag-isyu pa ang Marco Polo ng resibo na may tatak na Nallatah Enterprises at hindi sa Marco Polo.

WALANG ECC AT AVAT

Bukod sa kawalan ng Vitamin A at Iron ang arina ng Marco Polo, wala rin itong Environment Compliance Certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region para sa pagawaan nito.

Hindi rin nagbabayad ito ng Advance Value Added Tax.

Kaya nga, ipinasara ang pabrika nito ng Business Permit and Licensing Office ng Valenzuela City at inisyuhan ng “Stop Order.”

CEASE AND DESIST ORDER

Dahil sa naghalo-halong violation at kailigalang ginagawa ng Marco Polo, mga Bro, nag-isyu mismo ang FDA ng Cease and Desist Order sa operasyon nito.

Mismong si FDA Acting Director noon na si Tacandong ang nag-isyu ng CDO noong Nobyembre 22, 2010. Batay ito sa report ng Regulation Division ng FDA.

WALANG LICENSE TO OPERATE

Wala ring palang License to Operate ang Marco Polo na itinayo at pag-aari nina Sally D. Chen, Shibao Wang, Yan Ju, Ramon P. Ong at Steve P. Chua.

Si Tacandong na naman ang nag-certify na walang LTO ang nasabing kompanya noong Disyembre 2, 2010.

MILAGRO SA FDA

Makaraan ang lahat ng ito, biglang may milagrong naganap sa Marco Polo.

Noong Disyembre 28, 2010, nagkaroon na ng License to Operate ang Marco Polo.

May tatak na LTO No. RDII-MM-F-4265 ito at “valid until 28 December 2011.”

Ang galing at ang bilis ng pag-iisyu ng LTO.

Pero ang siste, nakapagtatakang naisyuhan ito ng LTO kahit na umiiral ang CDO na mismong ang FDA ang nag-isyu.

Mismong si Tacandong pa rin ang nagsabi nito sa sulat nito kay Atty. Joel Napoleon Coronel noong Januray 17, 2011.

Ang galing-galing ng FDA.

At lahat ng ginawa siyempre ni Tacandong ay alam na alam ni Suzette H. Laso na Acting Director sa mga panahong pinag-uusapan.

Ngayon nga ay nakademanda na sa Ombudsman ang mga ito.

3 TAON WALANG LTO AT CPR

Ito pa ang masakit.

May mga kumpleto ang papeles na mga negosyante.

Pero tatlong taon nang nakatambak ang mga papeles nila sa FDA kahit bayad sila nang bayad ng permit.

Kung ako si PNoy, pagsisibakin ko na lang sina Lazo, Tacandong at iba pang taga-FDA na perwisyo sa mga negosante.

Iba ang magiging aksyon ni PNoy dahil administratibo ito.

Sa konting ebidensya ng kalokohan, pupuwede nang sibakin sina Lazo at Tacandong.

Sey mo, Pangulong Noy?

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply