Sino ang naaasar mayor sa Metro Manila

“SINO sa inyo ang nagagalit o naaasar sa mga drayber at opereytor tuwing nananawagan ang mga ito ng fare hike o pagtataas ng pamasahe?”

Ito ang tanong ko nang makapulong ko ang mga miyembro ng isang urban poor group sa Camanava noong isang linggo. Hindi ako nagulat nang karamihan sa kanila ay agad nagtaas ng kamay.

“Maaaring malaman kung bakit?” dagdag kong tanong. Naging masigla ang pagbabahagi nila ng dahilan.

Anila, pabigat ito sa hirap ng buhay dahil hindi naman tumataas ang kanilang kinikita o suweldo.

Tinawag ko at pinatayo ang isa sa mga nagbahagi at tinanong ko siya: “Magkano ba ang kinikita mo?”

“Apat na daang piso kada araw,” sagot niya.

“Sapat ba ito sa pangangailangan ng iyong pamilya?” isa pang tanong ko.

Ang sumunod niyang sinabi ay kapani-paniwala dahil ito ang tipikal na nangyayari sa milyon-milyong pamilyang Filipino.

Aniya, dalawa ang kanyang anak na parehong nag-aaral.

Nangungupahan lamang ang kanyang pamilya ng isang maliit na kwarto kung saan naroroon na ang lahat-sofa, kusina, tulugan at hapag-kainan.

Patuloy umanong nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin kaya’t ang pagtataas ng pa-masahe ay hindi katanggap-tanggap dahil lalong hindi na magkakasya ang P400 na kita niya sa isang araw.

Matapos niyang magsalita ay ako naman ang nagkwento na ang inihalimbawa ko ay ang mga drayber ng traysikel, na bumubuo ng 60 porsyento ng TRANSPORTER.

Buwenas na, ‘ka ko, kung kumita ng kabuuang P500 ang isang tricycle driver sa isang araw.

Matapos mamasada ng mula 12 hanggang 14 oras, mag-aabot siya ng P150 sa opereytor bilang boundary.

Siyempre pa, nagpagasolina na siya nang aabot sa P250 ang halaga.

Sakaling sinusuwerte at hindi siya natiyempuhan ng mga kotongerong pulis, may maiuuwi siyang P100 sa kanyang pamilya.

Tiningnan ko ang mga nakikinig at muli akong nagtanong: “Sino na nga sa inyo ang naaasar tuwing nananawagan ng fare hike?” Walang nagtaas ng kamay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply