Sunog sa Enerzone Subic Power Plant

ANG bilis ng responde ng mga bumbero ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa sunog sa loob ng compound ng Enerzone Subic Power Plant nitong Miyerkules ng hapon sa Subic Bay Free-port Zone.

Kailangan dahil bukod sa iyon naman ang dapat, maselan ito dahil sa may planta ng kuryente ang nasusunog.

Bomba kaagad ng tubig ang pitong firetrucks ng SBMA Fire Department sa pamumuno ni Fire Chief Ranny Magno na nag-utos na habang ibinobomba ang tubig na dala ng mga truck ay magkonekta na ng hose sa fire hydrant sa loob ng compound.

Kailangan dahil ang tubig na dala ng firetrucks ay limitado at nauubos, pero ang nasa fire hydrant, tuloy-tuloy!

Ang galing! Synchronized ang kilos ng magigiting na bumbero. Pagkakabit ng hose ng tubig sa fire hydrant, agad binuksan ang valve para dumaloy na ang inaasahang malakas na pressure ng tubig… …pero Ito Ang Totoo: toink! wala, opo, WALA! Walang tubig ang fire hydrant sa loob ng compound ng Enerzone Subic Power Plant!

Anak ng mag-asawang amag at bukbok! Kandarapa tuloy ang mga bumbero sa kalalatag ng hose para kumonekta sa ibang fire hydrants sa kabila pa ng kalsada.

Mahigit isang oras nasara ang Argonaut Highway dahil sa makapal, maitim at nakalalasong usok na tumatawid dito mula sa nasusunog na daan-daang poste ng kuryenteng balot sa toxic at flammable na kemikal.

Sa ngayon, hindi pa raw tukoy kung ano ang nagbunsod para sumiklab ang mga panggatong, este, poste ng kuryenteng malalaking kahoy na mistulang panggatong na nakapaligid sa power plant.

Mukhang may mas malaking sunog sa sunog na naganap.

Isa. Bakit walang tubig ang fire hydrant sa loob ng planta? Dapat ipaliwanag ito ng Subicwater, ang may responsibilidad sa sewerage at water supply ng freeport.

Dalawa. Bakit walang sariling fire fighting team at equipment ang Enerzone Subic Power Plant? Hindi ba ito S.O.P. o required sa ganoong klaseng establisimyento?

Tatlo. Bakit nakalatag na mistula ngang mga panggatong sa iihawing power plant ang mga kahoy na poste ng kuryente sa compound ng power plant?

Marami pang iba pero iyan muna.

Ito Ang Totoo: kung ang hangin ay umihip patungo sa residential, business o central districts ng Freeport, malamang, maraming na-ospital dahil sa makapal, maitim at nakalalasong usok mula sa naturang sunog.

Salamat kay Bathala at inihip ang makapal, maitim at nakalalasong usok patawid sa daan diretso sa ibabaw ng karagatan kaya naman walang gaanong naapektuhan.

At ito pa. Mabuti na lang at hindi inabot ng apoy ang mga fuel tank sa loob ng compound na kung sakali ay malamang naging major disaster ang insidente.

Ito Ang Totoo: dapat may managot sa insidente. Kahit ano pa ang dahilan, mapakapabayaan, katangahan o katarantaduhan, dapat may managot diyan!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga reklamo, puna o puri, basta’t para sa kabutihan, ipadala sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply