Suntok sa buwan

MAY kahilingan ang mga drayber ng taxi – P10 dagdag sa flagdown rate at 25 sentimos na dagdag sa pamasahe kada 200 metro.

Ano ang tsansang mapagbibigyan sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB? Kailangan pa bang i-memorize ‘yan, mga ‘tol?

Alam na alam natin dahil base sa sarili nating karanasan ang parating nangyayari tuwing hihingi tayo ng pahintulot sa LTFRB na magdagdag-pasahe. ‘Ika nga ng ating mga kasama sa progra-mang Eat Bulaga, “Nganga!”

Kung ang pansamantalang 50 sentimos imbes na P2 dagdag-pasahe ng mga dyipni at iba pa ay iniisnab-isnab ng nasabing ahensya, ito pang P10 na dagdag sa flagdown rate? Hindi pa natin pinag-uusapan ang hiling kada 200 metro.

Pinag-aaralan pa umano ng LTFRB ang nasabing panukala ng Philippine National Taxi Operation Association  (PNTOA).

Ewan ko lang, mga ‘tol, kung ang pinag-aaralan ng ating mga mahal na pinuno ng LTFRB ay  aaprubahan o hindi ang kahilingan o kung paano sasabihin na ang desisyong walang isip-isip ay isang dumadagundong na “Hindi!”

Sana ay patunayan ng nabanggit nating ahensya ng pamahalaan na mali ang inyong lingkod sa ating iniisip. Kung magkakagayon ay maligaya akong aaming palpak ako.

Ganyan ‘ata ang kapalaran ng sektor na kinapapalooban natin, parating nabubugbog (ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at spare parts), at kung ibig namang bumawi (sa pamamagitan ng pag-tataas ng pasahe) ay may pumipigil naman sa ating mga kamay at braso (ang kunwari ay kakampi ng LTFRB).

Alam nating pulitikal na isyu ang pagdagdag ng pasahe. Maraming magagalit kay Pangulong Noy Aquino kapag pinayagan ng LTFRB na magtaas ng pamasahe. Tiyak na uulanin ang binatang Presidente ng katakot-takot na batikos. Kaya’t “safety first”, ‘ika nga. Iwas-pusoy na lang sa galit ng Malakanyang. Tablahin na lang ang mga kahilingan ng maliliit. Kesa naman magalit sa kanila ang malalaki?

Pero  paano naman ang mga drayber ng pampasaherong sasakyan?

Hindi pulitika ang isyung ito para sa kanila. Ito’y isang isyu ng pangkabuhayan, ang pang-araw-araw na survival, ‘ika nga.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply