Surprise gift

LABING APAT na taon na pala ang batas na nagpapatupad ng oil deregulation.

Apat na taon na palang nakapandaraya ang mga dambuhalang kompanya ng langis sa bansa.

Apat na taon na palang nagpapabandying-bandying ang pamahalaan habang pinanonood ang pagdurusa ng sambayanan, lalo na ang isang bahagi nito na ang tawag ay sektor ng transportasyon.

Tama lamang na kalampagin ang gobyerno, lalo na ang Department of Energy na sana’y nangangasiwa para walang hokus-pokus na nangyayari sa pagpepresyo ng mga produktong petrolyo. Dapat talagang gisingin ang mga natutulog.

Ang ikinakatuwiran at sinisisi parati ng Malakanyang ay ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Tama rin naman ‘yan, pero may mga misteryo pang dapat na lutasin.

Ang isa sa mga ito ay kung bakit napakabilis ang pagresponde ng mga kompanya ng langis sa pamamagitan ng oil price hike tuwing gagalaw pataas ang presyo sa world market; pero ang bagal naman kung pababa ang galaw ng presyo?

Naririyan na tayo na magsisimula na ang matagal nang pinakahihintay na pag-imbestiga ng isang independyente kunong probe team na hahawan sa masalimuot na financial statements ng mga kompanya ng langis upang ma-pagalaman kung nandaraya nga ba o hindi ang mga ito.

Ang resulta ng gagawing imbestigasyon ay ilalabas umano anim na buwan bago mag-eleksyon sa susunod na taon.

Excited pa rin ba tayong malaman ang resulta?

Kapag nangyari ang imposible, na ideklara ng nasabing investigative group na binuo ng pamahalaan na nandaya nga ang mga kom-panya ng langis, ito ang matatawag na “surprise gift” nila sa sektor ng transportasyon sa ikalimang anibersaryo ng oil deregulation law.

Ayon pa rin sa Malakanyang, ginagawan na ng paraan ng administrasyong Aquino na hindi maapektuhan nang husto ang mga konsyumer ng patuloy at sunod-sunod na mga oil price increase.

Naririnig natin ‘yan, mga kasama, hindi ba?

Nakakabisado na nga natin ang parating sinasabing ito ng gobyerno.

Pero iba ang naririnig sa nararamdaman.

Sana maramdaman naman natin ang parati nating naririnig.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply