Suwagan napigilan at pagtitiwala sa hukuman

MAGANDA na rin ang nangyari sa caucus ng mga senador sa Impeachment Court.

Napagpasyahan ng mga senador-hukom na huwag ipilit ang pag-subpoena sa rekord ng nakabangkong dolyar ni Chief Justice Renato Corona.

Sa halip ay haharap ang impeachment court sa Korte Suprema upang ipaglaban ang kanilang kapangyarihan na i-subpoena at bulatlatin ang dollar account ni Corona.

PANALO O TALO

Kung mananalo ang Impeachment Court o hindi, hindi natin alam.

Ang mahalaga, may pagkakataon ang lahat ng panig na magpaliwanag, lalo na ang Impeachment Court at ang kalaban nitong PSBank na humiling sa Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa una.

Sa TRO, hiniling ng PSBank sa Korte Suprema na huwag pakialaman ng Impeachment Court ang depositong dolyar ni Corona. Ngunit sinasabi rin ng TRO na may 10 araw na sumagot ang Impeachment Court sa posisyon ng PSBank.

Mula sa mga araw na yan tayo magtalo-talo.

SUWAGAN NAPIGILAN

Talagang maganda ang pagrespeto ng Impeachment Court sa Korte Suprema na nag-isyu ng TRO.

Kahit papaano, napigilan ang mainit na usapan kung sino ang mas makapangyarihan: ang Impeachment Court na binubuo ng mga senador-huwes o ang Korte Suprema na binuo ng mga hukom.

Lumalabas kasi na buum-buo bilang isa sa tatlong departamento ng pamahalaan ang Korte Suprema…ngunit ang Impeachment Court?

At kung ipipilit ng Impeachment Court na mas makapangyarihan ito kaysa Korte Suprema, ano nga ba ang mangyayari?

BASTA BAWAL ANG MAGBUKLAT

Ang mahirap naman talaga ay may batas na nagsasabing bawal buksan ng kahit sinong Poncio Pilato ang rekord ng dolyar na deposito sa bangko.

Masisilip at mabubuksan lang ang rekord kung may pahintulot ang may-ari ng rekord o accont.
Dahil dito, hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa laban sa Korte Suprema, kung mananalo o hindi ang Impeachment Court.

AMYENDAHAN ANG BATAS

Ang sigurado na magandang bunga ng problema ukol sa dollar account sa bangko ay ang pagkilos ng mga senador at kongresman na pag-amyenda sa nasabing batas.

Pupuwede nilang amyendahan ang Foreign Currency Depost Act na siyang umiiral na batas para sa proteksyon ng dollar account.

Posible umanong gawin na lahat ng dollar account ng mga Filipino ay pupuwedeng buksan.

Tanging ang mga dayuhan lamang ang pupuwedeng pagkalooban ng todo-sikreto na karapatan na hindi mabuksan ang rekord.

ANG BANK SECRECY LAW

Ngunit dapat pa rin na naaayon ang batas sa umiiral na Bank Secrecy Law.

Dahil kung basta na lang idadaldal ng mga taga-bangko ang deposito ng kanilang kliyente, mawawasak ang industriya ng bangko sa Pinas. Wala nang magtitiwala sa bangko at itatago na lang ng mamamayan ang kanilang pera sa kanilang mga bahay o ilalabas na lang ang mga ito sa ibang bansa na lang sila magbabangko.

Kung mangyayari ito, dahil bagsak ang mga bangko sa Pinas, wala nang mauutangan ang kahit sino.

Paano ang mga proyekto ng pamahalaan na umaasa sa pautang ng mga bangko? Paano ang mga negosyante na mawalan ng mauutangan para sila magkanegosyo at makalikha ng trabaho sa Pinas?
Paano ang mamamayan na nangangailangan ng puhunan para sa munti nilang negosyo at iba pang mga pangangailangan?

MAY IBA PANG YAMAN SI CJ

Halimbawang walang patutunguhan ang paghahabol ng mga taga-usig sa mga yamang dolyar ni Corona, marami namang ibang kaso na pupuwedeng dahilan para masibak sa puwesto si Corona.

Yan ay kung totoong korap at traydor ito sa tiwala ng taumbayan. Lumabas na nga ang hindi deklarado sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Corona na mga salaping piso at pag-aaring lupa at bahay ni CJ.

Dapat ang mga ito ay solidong patunayan ng mga kongresman-taga-usig. Matapos ang dalawang kaso,  may anim pang kaso na isasalang laban kay CJ.
Kung magagaling ang mga taga-usig-kongresman at seryoso ang mga ito sa pagpapatalsik kay Corona, dapat na magtrabaho sila ng husto.

SALAPING BAYAN HUWAG SAYANGIN

Malaki-laki na ang inuubos ng gobyerno na salaping bayan at oras para sa kaso.

Andiyan ang mga pamasahe, panggasolina, tsibug at pag-hire ng mga abogado ng mga taga-usig-kongresman.

Andiyan din ang doble uniporme ng mga senador-hukom, kabilang din ang kanilang mga panggasolina, pamasahe, tsibug at iba pa.

Milyon na, mga Bro, ang nagagastos na buwis ng bayan para sa kasong ito. Kaya, para magkaroon ng katuturan, dapat na may mangyari.

Kung magkaroon naman ng acquittal o pagpapawalang-sala kay Corona, eh, ano ang magagawa natin?

Ang mahalaga, kaya palang isalang sa Hukuman ang isang mataas na opisyal ng bayan.

MAGTIWALA SA HUKUMAN

Isa palang mahalaga na leksyon sa kasong impeachment ay walang matatawag na untouchable.

Mayroon at mayroon silang kalalagyan.

Manalo man sila sa kaso, ang mahalaga ay nalalantad sa taumbayan ang kanilang kabulukan.

At magiging maingat na ang taumbayan sa mga taong ganitong uri.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply