Shell office pinagbabato ng militanteng grupo

NILUSOB at pinagbabato ng mga militanteng grupo ang tanggapan ng Pilipinas Shell kaninang umaga sa Makati City sa paniwalang pinangungunahan ng naturang kompanya ang pagpapatupad ng oil price hike matapos ang pagtataas muli ng halaga ng produktong petrolyo.

Ginulat ng may 50-miyembro ng grupong kinabibilangan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Kadamay at League of Filipino Students (LFS) ang mga tauhan ng Civil Disturbance Unit ng Makati police nang biglaang magtakbuhan at pagbabatuhin ng plastic na puno ng puti at asul na pintura ang pader ng gusali habang sumisigaw ng pagkondena sa nagaganap umanong oil cartel.

Maging ang camera ng ilang news photographer na kumuha ng larawan sa naturang kilos-protesta ay natilamsikan din ng pintura, pati na ang mga security guard ng kompanya na tinangkang harangin ang naturang grupo.

Ginawa ng naturang grupo ang kilos-protesta matapos mag-anunsiyo ng panibagong P0.50 sentimos kada litro ng pagtataas ng gasoline at diesel ang Eastern Petroleum at Phoenix Petroleum na epektibo kaninang umaga.

Bagama’t wala pang anunsiyo ang mga dambuhalang kompanya ng langis sa panibagong oil price hike, sa tingin ng militanteng grupo ay minomonopolya ng tinaguriang Big 3 ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Mariin ding kinondena ng grupo ang pagiging bingi sa hinaing ng taumbayan na itinuturing na “Boss” ni Pangulong Benigno Aquino III na siyang apektado sa pagtaas ng bilihin at pasahe dulot ng kawalang-aksyon nito sa pagsirit sa presyo ng petrolyo.

Sa tala ng Kadamay, nasa 14 beses nang nagtaas ang mga kumpanya ng langis sa bansa buhat noong Setyembre habang mula naman nang maupo si Pangulong Aquino, nasa P13.69 kada litro na ang itinaas ng diesel at P13.93 kada litro naman sa gasolina.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply