The runaway maid’s gesture

SINO ang mag-aakalang mula sa likod ng pagtakas at pagtakbo ay makatatagpo ng tagumpay ang isang Pinay na dating maid sa Malaysia?

Bunga ng matinding kahirapan na dinaranas dito sa Pilipinas, nagdesisyon ang Filipinang si Vilma Javier na harapin ang mga pagsubok at hirap ng pagiging isang OFW sa ibang bansa bilang isang maid sa Malaysia.

Subalit ang inaasahan niyang kaginhawahan sa Malaysia ay naglaho nang kanyang maranasan ang hirap ng pagiging isang kasambahay sa nasabing bansa.

Bagama’t mababait ang mga naging amo niya, labis na pagod na pagod naman ang kanyang naranasan sa dami ng tungkulin na dapat niyang gampanan bilang isang kasambahay. Naging dahilan ito upang magdesisyon siyang tumakas roon.

Hindi inasahan ni Vilma na ang kanyang ginawa ay magbubunga ng labis na takot at pangamba sa kanya sapagkat noong mga panahong iyon ay wala siyang ligal na mga dokumento ng pananatili sa Malaysia. Halos araw-araw ay napupuno siya ng kaba na baka bigla na lamang siyang mahuli at makulong.

Lakas ng loob at matinding pananampalataya sa Diyos ang naging kakampi niya noon.

Hanggang sa isang pintuan ang nabuksan para sa kanya nang mangailangan ng waitress ang isang malaking resort and country club roon – ang Tropicana Golf and Country Club Resort.

Dahil sa sipag, tiyaga at mula na rin sa likas na kakayahan sa trabaho na ipinagkaloob ng Panginoon ay naging isang supervisor si Vilma sa nasabing club.

Mula sa maliit na sahod at bigat ng trabaho ng isang kasambahay ay naging madali at maginhawa ang buhay ni Vilma.

Hanggang sa isang pagsubok ang kanyang hinarap nang maging miyembro ng nasabing club ang kanyang mga dating amo.

Labis na takot at kaba ang pumuno sa dibdib niya, subalit dahil na rin sa biyaya ng Panginoon, sa halip na galit ay labis na paghanga at kasiyahan ang nadama ng dating amo niya nang malaman na mula sa pagiging isang maid ay naging supervisor siya.

Sa kasalukuyan ay patuloy na tinatamasa ni Vilma ang tagumpay ng pagiging isang senior supervisor ng Tropicana, kung saan niya natagpuan ang kaginhawahan na minsan niyang hinanap sa bansang Malaysia.Ang buhay ng tao ay puno ng mga daan kung saan kinakailangan nating mamili at magdesisyon. Mga pagpapasya na magsasabi kung ano ang maari nating maging buhay sa hinaharap. Gaya na lamang ng nangyari kay Vilma Javier na minsang nagdesisyong tumakbo at mula roon ay nakatagpo ng tagumpay.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply