Trabaho nililikha ng bawat turistang pumapasok sa PHL

ISANG trabaho para sa Pilipino ang naibibigay ng bawat turistang pumapasok sa Pilipinas, ayon sa samahan ng mga travel agency at tour operator sa bansa.

Sinabi pa ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA) na mas matagal ang pananatili ng mga turista sa Pilipinas, kumpara sa ibang bansa sa Souteasth Asia.

Ayon kay Aileen Clemente, executive director ng PTAA, ang magandang sukatan para masabing tagumpay ang turismo sa isang bansa ay ang kabuuang kinita sa isang turista.

Aniya, mas mataas ang gross receipts sa mga dayuhang turista kumpara sa mga kalapit na bansa dahil tumatagal ng pitong araw ang pamamalagi sa Pilipinas ng mga banyaga mula sa Japan at iba pang bansa sa Asya, habang 15 araw naman ang itinatagal ng mga dayuhan mula sa Estados Unidos at Europa.

Idinagdag pa ni Clemente na pangkaraniwang gumagastos ang isang lokal na turista ng P1,200 bawat araw habang umaabot naman sa US$83.93 o P3,500 ang  gastos kada araw ng mga banyagang turista.

“Ang gastusin ng bawat turista ay nagbibigay ng trabaho sa bansa,” pahayag pa ni Clemente sa ginanap na news forum sa Diamond Hotel.

Sinabi pa nito na mas madali para sa mga turista na mag-byahe sa mga bansang Thailand, Malaysia at Singpore dahil dikit-dikit lamang ito subalit malaki naman ang epekto nito sa kalikasan dahi sa mga naiwang basura.

Kumpara sa Pilipinas na may iba’t-ibang pulo, naiiwasan ang konsentrasyon ng naiiwang carbon footprints sa iisang lugar, dagdag pa ni Clemente.

Nanawagan din si Clemente sa pamahalaan na mas bigyan ng pansin ang pagsasaayos sa mga pambansang paliparan at iba pang imprastraktura kaysa ituon ang atensyon sa pagpapakalat ng islogan ukol sa turismo sa Pilipinas.

Ayon pa kay Clemente, bahagi lamang ng national development plan ang islogang “It’s More Fun in the Philippines” upang mapalakas ang turismo sa Pilipinas.

Bukod sa branding campaign, kabilang din sa plano ang pagsasaayos ng mga imprastraktura at ang pagbibigay ng visa o travel document sa mga dayuhan.

Aniya, mas kailangan ang mas maraming pambansang paliparan at maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing pasyalan para lalo pang makahikayat ng mas maraming turista sa Pilipinas.

Paboritong pasyalan ng mga turista, lokal man o banyaga, ang lalawigan ng Palawan, Bohol, Boracay, Cebu at Davao. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply