Traffic violation receipt inaapura ng MMDA

NANAWAGAN ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa National Printing Office (NPO) na apurahin ang pag-iimprenta ng traffic violation receipt na gagamitin sa pagsisimula ng single ticketing system upang magamit sa mga lalabag sa batas trapiko sa Metro Manila na sisimulan sa Marso 1.

Ani MMDA Chairman Francis Tolentino, kanila nang isasalang sa publikasyon anumang araw ngayong linggo ang pagpapatupad ng single ticketing system batay na rin sa isinasaad ng R.A. 7924 na batas na lumikha sa naturang ahensiya na isa sa panuntunan upang maipatupad ang sistema.

Nakatakda na rin aniyang lagdaan ang Metro Manila Circular sa pagitan ng mga alkalde sa Metro Manila, MMDA, Land Transportation Office (LTO) at Department of Interior and Local Government (DILG) na gagamitin sa publikasyon ng single ticketing system.

Ayon pa sa MMDA chief, isa sa magandang hakbang sa naturang sistema ay ang pagkilala ng bawa’t lungsod sa tiket na maiisyu sa isang tsuper na mahuhuli sa paglabag sa batas trapiko.
Nangangahulugan aniya ito na sa oras na mahuli sa isang lungsod tulad sa Makati City ang isang motorista at muling makagawa ng paglabag sa lungsod ng Pasay, kikilalanin na ng lokal na traffic enforcer ang hawak niyang tiket bilang pansamantala niyang lisensiya.

Ang tanging pa-plantsahin na lamang aniya para sa maayos na pagpapatupad ng naturang sistema ay ang unipormado o pare-parehong halaga ng multa sa bawat paglabag dahil kinakailangan aniya ito ng pagpapasa ng ordinansa ng bawat lungsod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply