Transporter sa may-ari ng bus: Maging responsable

NANAWAGAN ngayon ang transport group na Transporter sa lahat ng mga may-ari ng prangkisa na harapin ang lahat ng responsibilidad na kaugnay ng pagkakaroon ng pribilehiyong makapagpasada sa mga pampublikong kalsada.

Ayon kay Bren Sayasa, pangkalahatang kalihim ng Transporter, hindi katanggap-tanggap ang pagtalikod sa obligasyon ng mga may-ari ng pampublikong sasakyan, lalo na kung ito ay kaugnay sa buhay at kaligtasan ng mga komyuter at pedestrian.

Aniya, hindi lamang ang mga manggagawa ng transportasyon at maliliit na opereytor ang pinoprotektahan ng Transporter kundi maging ang mga mananakay at mga taong nasa kalsada bilang pang-araw-araw nilang gawain.

“Ang pangunahing tungkulin ng mga drayber at may-ari ng prangkisa ay bigyan ng episyente at ligtas na serbisyo ang mga komyuter at tiyaking hindi makakadisgrasya ng mga tao at ari-arian sa mga dinadaanan na kanilang sasakyan,” ani Sayasa.

Ang panawagan ng Transporter ay kasunod ng pagkansela kamakailan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa prangkisa ng Mayamy Transport Corp. matapos makaaksidente at makapatay sa Bulacan noong isang taon.

Ayon sa LTFRB, kinansela ang prangkisa ng 107 yunit ng bus ng Mayamy na may rutang Norzagaray-NAIA, Sta. Cruz Maynila, Alabang Grotto at Baclaran.

Ayon kay Manuel Iway, board member ng LTFRB, ibinase ang kanilang desisyon sa kaso ng Mayamy batay sa reklamo ni Raquel Manansala.

Nasagasaan ang mag-aama ni Manansala na ikinasawi ng isang anak ng bus ng Mayamy na may plakang TXK-849 noong Oktubre 17, 2011 sa Barangay Minuyan, San Jose del Monte City sa Bulacan.

Ani Iway, hindi sumisipot sa mga itinakdang hearing ang operator ng Mayamy na si Teresita Guttierrez.

Epektibo ang kanselasyon sa sandaling matanggap na ng opereytor ang isinilbing cancellation order mula sa ahensya. FORT NICOLAS

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply