Turista, balikbayan patuloy sa pagdagsa

HINDI apektado ang turismo sa Pilipinas sa naganap na pagdukot sa dalawang dayuhan sa Tawi-Tawi noong isang linggo.

Batay sa estatistikang nakalap sa Bureau of Immigration, umabot sa kabuuang 83,367 na turista at balikbayan ang dumating sa bansa sa pagitan ng Pebrero 2 hanggang Pebrero 5, o apat na araw matapos ang pagdukot sa Swiss nationals na sina Lorenzo Vinciguerra at Ewold Horn ng hindi pa nakikilalang grupo sa Tawi-Tawi.

Sa nasabing datos, 19,505 na banyaga at balikbayan ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Pebrero 2 kung saan 7, 957 ang mga balikbayan, habang ang mga Korean national naman ang nanguna sa hanay ng mga dayuhan kung saan 2,998 na Koreano ang bumisita sa kaparehong araw.

Sa loob lamang ng limang araw, may kabuuang 11,890 Korean nationals ang dumating sa bansa, kasunod ng mga Amerikano sa bilang na 9,355. Pumangatlo naman ang mga taga-Japan na may kabuuang bilang na 5,116.

Sumunod ang mga Chinese national na may kabuuang bilang na 3,987, pang-lima ang mga taga-Australia sa bilang na 2,609. Pang-anim ang Canadian na may kabuuang bilang na 1,987, Pampito ang mga taga-Ingglatera sa bilang na 1,494, pang-walo ang mga Taiwanese nationals, 1,332 at Malaysian nationals, 1,280.

Umabot naman sa 9,367 ang iba pang foreign nationals ang dumating din sa Pilipinas sa mula Pebrero 2 hanggang Pebrero 5.

Naniniwala ang kawanihan na hindi balakid ang naganap na pangingidnap at ang mga inilabas na travel advisory ng iba’t ibang bansa sa imahe ng Pilipinas bilang paboritong pasyalan ng mga dayuhan.

Sinabi naman ng Department of Tourism (DOT) na nananatiling paboritong puntahan ng mga dayuhan ang Pilipinas dahil na rin sa iba’t ibang magagandang tanawin tulad ng ipinagmamalaking Palawan underground river matapos na mapabilang ito sa pitong nakamamanghang lugar sa buong mundo.

Noong isang taon, umabot sa 3.9 milyon ang banyagang turista na bumisita sa bansa, mas mataas sa target na 3.7 milyon ng DOT.

Ayon naman sa mga immigration officer sa NAIA, patuloy ang pagdagsa ng mga dayuhan  sa pambansang paliparan sa kabila nang napaulat na pagdukot sa dalawang banyaga ng hindi pa matukoy na grupo sa Tawi-Tawi.

“Halos araw-araw, umaabot sa 10,000 turista ang dumadating sa NAIA, hindi pa kasama ang mga balikbayan,” ayon sa isang Immigration Officer na nakatalaga sa terminal 1 sa isang panayam.

Anila, bagama’t may halong pagkabahala sa mga pumapasok na dayuhan ang naging kaganapan sa Tawi-Tawi, hindi naman ito naging balakid upang hindi ituloy ng mga banyaga ang kanilang pagbisita sa Pilipinas.

“Andun yun concern at apprehension, pero in general, excited ang mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas at hindi naman daw sila magtutungo sa mga delikadong lugar, halos karamihan dito lamang sa Metro Manila mananatili,” dagdag pa ng isang immigration legal officer at nakatalaga sa Terminal 3 ng NAIA. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply