UPDATE: Blue lane violators umakyat sa 249

UMABOT na sa 249 ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa unang araw ng implementasyon ng paglalagay ng motorcycle lane sa 24-kilometrong haba ng EDSA.

Ang naturang bilang ng mga nahuling lumalabag sa paggamit na motorcycle lane o blue lane ay inaasahang madaragdagan pa matapos maitala lamang ang kabuuang bilang kaninang ala-1 ng hapon na pawang naisyuhan ng traffic violating receipt na may katapat na multang P500.

Ayon kay Atty. Emerson Carlos, assistant general manager for operation ng MMDA, karamihan sa mga nahuli ay pawang mga walang kaukulang suot na helmet, may depektibong head lights at signal light at wala sa tamang linya ng pagmamaneho, habang may ilan ding lumabag sa overloading at paggamit ng cellphone habang nagmomotorsiklo.

Umalma naman ang karamihan sa mga nahuhuling lumalabag sa paggamit ng blue lane at ikinatuwiran na hindi naman nila magamit ng eksklusibo ang linya dahil pinapayagan din ang iba pang pribadong sasakyan na magamait ang linyang nakalaan para sa kanila.

Nauna nang itinalaga ng MMDA ang ika-apat na linya ng malapat na lansangan ng EDSA mula sa sidewalk sa paniwalang ito ang pinakaligtas na lugar na puwedeng daanan ng mga nagmomotorsiklo.

Sa kabila nito, aminado si MMDA Chairman Francis Tolentino na hindi maaaring gawing eksklusibo lamang para sa mga nagmomotorsiklo ang blue lane dahil posibleng lalong magkawindang-windang ang trapiko kapag ipinagbawal ang pribadong sasakyan na gamitin ang naturang linya.

Gayunman, nanawagan si Tolentino sa mga motorista na igalang ang itinalagang linya para sa mga nakamotorsiklo upang makaiwas sa disgrasya.

Nauna nang ipinagmalaki ni Tolentino ang tagumpay ng programa matapos wala isa mang naitalang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo sa kahabaan ng EDSA mula nang ipatupad ang paggamit ng blue lane.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply