UPDATE: TRO vs dollar account ni Corona inupakan

HINDI lahat ng senador ay pabor sa panghihimasok ng Supreme Court sa paglilitis kay Chief Justice Renato Corona nang magpalabas ng temporary restraining order upang pigilan ang pagbubukas ng dollar account ng punong mahistrado.

Sa magkakahiwalay na panayam, bagamat inaasahan, naniniwala sina Sen. Antonio Trillanes, Francis Pangilinan, Alan Peter Cayetano at Franklin Drilon na “panghihimasok” ang desisyon ng Supreme Court dahil pumabor ito sa isa nilang kasamahan.

“Para sa akin, may conflict of interest dito because they decided in favor to one of their member,” ayon kay Trillanes.

Sinabi naman ni Pangilinan na direktang ipinakikita ng Supreme Court ang panghihimasok sa kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court na lumitis at magdesisyon sa lahat ng kaso ng impeachment.

“Personally, hindi ako sang-ayon sa desisyon ng SC. Hindi tayo sang-ayon sa panghihimasok nila sa aming proseso dahil hindi kami nakikialam sa kanilang proseso,” ayon kay Pangilinan.

Sinabi naman ni Cayetano na kung hindi si Corona ang nililitis sa impeachment court, normal lamang kung tatakbo sa Supreme Court ang sinumang akusado pero “kakaiba ang paglilitis na ito.”

“Pero si Chief Justice Corona ang nasasakdal, siyempre may kakampi sa kanya kaya very touching ang isyu. Kaya sa Lunes, magkakaroon ng matinding talakayan at debate sa aming caucus kung tatanggapin ba o hindi ang TRO ng Supreme Court,” giit ni Cayetano.

“Kung maghahain kami ng komento,  may magsasabi na nagpapasaklaw kami sa Supreme Court. Kung hindi naman namin igagalang ang TRO, ano ang mangyayari?” tanong ni Cayetano.

Para naman kay Drilon, malaking dagok ang desisyon ng SC sa kampanya ng pamahalaan upang tugisin at sugpuin ang katiwalian sa gobyerno na tila sinabi pa ng Mataas na Hukuman sa mga grafter sa pamahalaan na bumili sila ng dolyar, euro o yen, at itago sa FCD (Foreign Currency Deposit).

Ayaw naman magsalita nina Sen. Pia Cayetano, Serge Osmeña at Koko Pimentel sa isyu dahil nakatakda pang pag-usapan ang magiging desisyon ng Senado sa naturang desisyon sa Lunes, bago magbukas ng impeachment trial sa pamamagitan ng isang caucus.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply