US casino magnate Wynn ban na sa Pilipinas

NAGDESISYON ang House committee on good government na ideklarang ‘persona non grata’ sa bansa si Steve Wynn, isang bilyonaryong Amerikano at “casino magnate” matapos lumabas sa pagdinig kanina na “binastos” nito ang mga Pinoy.

Ito ay matapos papurihan ng mga solon si Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman, Crispino ‘Bong’ Naguiat Jr., sa pamamalakad nito sa ahensya.

Ayon kay House Committee on Good Government chair, Rep. Amado Bagatsing, naging “collateral damage” si Naguiat, ang Pagcor at buong sambayanang Filipino sa sumabog na gusot ni Wynn at ni Kazuo Okada, ang kanyang dating business partner at ngayon ay mahigpit na kalaban sa negosyo.

Una nang inakusahan ni Wynn sa kanyang isinampang reklamo sa Estados Unidos na “sinuhulan” ni Okada si Naguiat at iba pang opisyales ng Pagcor ng P4.8 milyon ($110,000) para mabigyan si Okada ng lisensiya na makapaglagay ng casino sa itinatayong “Pagcor City” sa Pasay.

Ang desisyon ng Kongreso na ipagbawal ang pagpasok ni Wynn sa bansa ay batay sa inihaing mosyon ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone.

Anang mga mambabatas, lubhang apektado ang Pilipinas sa seryosong bintang ni Wynn na nag-ugat sa pagkuwestyon ni Okada sa $135 milyong “donasyon” ni Wynn (halos P5.9B) sa Macau University nang lingid sa kaalaman ng Hapones.

“We are falling into the trap, machinations of Mr. Steve Wynn whose main objective is to oust Okada from his casino firm.

“What Wynn did is a direct affront to our country and its officials,” diin pa ni Bagatsing.

Sa pagdinig kanina, nagpadala rin ng “public apology” si Okada matapos masabit ang pangalan ni Naguiat at ng Pagcor sa away nila ni Wynn.

Nilinaw naman ni Naguiat na walang batayan ang bintang ni Wynn dahil ang pagbibigay ng lisensya ni Okada ay naganap sa nakaraang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo, partikular sa termino ni Efraim Genuino sa Pagcor.

Ayon pa sa mga opisyal ng Pagcor, idinadawit lang ang pangalan ni Naguiat sa away ni Wynn at Okada upang mailihis naman ang isyu sa mga nabungkal na anomalya sa Pagcor sa panahon ni Genuino.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply