Usung-uso sa stage plays ang relasyong lalaki sa lalaki!

MAY anak palang lalaki si Jose Mari Chan na mahilig din sa musika pati na sa pag-arte sa musical theater. Franco Chan ang pangalan n’ya at kamangha-manghang sa edad na 30 ay mukha pa rin siyang college student.

May major role si Franco sa Bare: a Pop Opera na itatangal ng Ateneo Blue Repertory sa Teatrino sa Greenhils sa huling linggo ng Pebrero at unang dalawang linggo ng Marso. Pero baka hindi lang mukhang college boy si Franco kundi mukhang high school student pa lang. Ang Bare ay tungkol sa buhay ng mga mag-aaral ng St. Cecilia High School, isang boarding school (na ang ibig sabihin ay sa campus rin nakatira ang mga estudyante, kumbaga ay boarder din sila sa eskwelahan). Gayunpaman, iinog ang istorya sa lihim na pag-iibigan ng dalawang estudyanteng parehong lalaki. “Lihim” ang kanilang pag-iibigan dahil hindi naman alam ng mga nakapaligid sa kanila na mga bading sila.

Peter at Jason ang pangalan nung dalawa. Sakristan si Peter at si Jason naman ang Golden Boy ng paaralan na kinahuhumalingan ng marami sa mga kaklase nilang babae.

Roommates sila at gusto ni Peter na lumantad na sila pero ayaw ni Jason dahil ang pakiramdam nito ay hindi sila matatanggap ng mga kamag-aral, guro, at mga administrador ng paaralan. Nung mabuko ang relasyon nila, talagang naging problematic sila.

Hindi isa si Franco sa mga gaganap na bading. Ang papel n’ya ay si Matt na karibal ni Jason sa pagiging student leader at campus heartthrob. Hibang na hibang si Matt sa kaklase nilang babae na si Ivy, na hibang na hibang naman kay Jason na di nga n’ya alam na may lihim nang relasyon kay Peter.

Hindi ito local musical kundi isang off-Broadway play (na ang ibig sabihin ay hindi ito sa Broadway theaters sa New York itinatanghal kundi sa mga teatro na nasa ibang bahagi ng Amerika (halimbawa ay sa Los Angeles, California).

Pero hindi laging si Franco ang lalabas sa lahat ng pagtatanghal. Ka-alternate n’ya si Orange Sanchez (na isa sa mga gumanap na Jason nung unang itinanghal ng Blue Repertory ang Bare tatlong taon na ang nakararaan).

Konektado si Franco sa sugar company na pag-aari ng mga Chan. Sa Ateneo din siya nag-aral pero matagal na nga siyang nagtapos.

Aktibo siya sa parish church ng Forbes Park: ang Sanctuario de San Antonio. Actually, may pagkarelihiyoso yung karakter na gagampanan n’ya sa Bare, kaya masasabing bagay talaga sa kanya yung role dahil parang may pagka-religious nga siya.

Nabalitaan naming na gusto sana n’yang mag-audition noon sa Rent ng 9 Works Theatrical, pero di yata kaya ng schedule n’ya noon ang rehearsals kaya di na rin siya tumuloy. Ngayong Year of the Dragon, mukhang handa na siyang sumabak sa professional musical theater, starting with Bare. Very professional ang mga production ng Ateneo Blue Repertory, kahit na school-based theater group ito.

Professional actress-director ang nangangasiwa ng Bare na si Anna Abad Santos na siya ring nagdirek ng nasabing musical nung unang itinanghal ito sa loob mismo ng Ateneo tatlong taon na ang nakalipas. Miyembro rin siya ng Repertory Philippines Arts Council kung saan nakapagdirek na rin siya, bukod pa sa nakaganap na rin siya sa lead roles sa ilang pagtatanghal.

Masasabing professional na rin yung gumaganap na Peter at Jason dahil nakalabas na rin sila sa professional theaters. Si Peter ay si Bibbo Reyes at si Jason ay si James Barcelon. Third year sa Management Engineering si Bibbo. Di taga-Ateneo si James, pero ang direktor ng musical mismo ang humiling sa kanya na mag-audition para sa alinman sa mga karakter na Peter at Jason. Actually, si Bibbo rin ang gumanap na Peter sa unang pagtatanghal ng Blue Repertory ng Bare noon.

Maraming interesting na characters sa Bare, mga iba’t ibang klase ng estudyante, pari, at madre. Ibang klase talaga ang talent ng mga taga-teatro. Sa musical na ito, yung gaganap na pari at madre ay iisa: si Rem Zamora ng Repertory Philippines.

Oo nga pala, kung interesado talaga kayo sa lovelife ng mga gay na kilos lalaki, palabas pa rin ang Next Fall ng Repertory Philippines sa Onstage Theater ng Greenbelt 1 tuwing weekend. Hindi na bata ang gay lovers sa Next Fall pero yung isa ay halos panatikong Born Again Christian na nagdarasal pagkatapos n’yang makipag-sex sa kapwa n’ya lalaki.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply