Utak-pulubi, utak-amo

ANG tiyakin na may maaayos na kalsada ay tungkulin ng gobyerno sa sambayanan, partikular sa sektor ng transportasyon.

Ang disiplinahin ang mga awtoridad na nagbabantay sa kalsada upang hindi nauubos ang kinikita ng mga drayber sa pangongotong ng masisibang pulis at traffic officers ay trabaho ng gobyerno.

Ang bantayan at parusahan ang mga kompanya ng langis na nandaraya sa pamamagitan ng di-makatarungang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay obligasyon ng pamahalaan.

Ang mag-isip at mag-implementa ng mga planong tulad ng pagtatanggal ng value-added tax (VAT) sa langis upang kahit paano ay mabawasan ang pasan ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan ay nasa loob pa rin ng kapangyarihan ng mga nakapuwesto.

Pero ang hubugin ang kaisipan ng mga manggagawang transportasyon upang maging utak-pulubi ay hindi nito gawain at hinding-hindi nito dapat isakatuparan.

Kaya’t nakalulungkot, mga ‘tol, na inaakala pa rin ng mga namumuno ng bansa na ang tanging sagot sa hirap na dinaranas ng sektor ay ang nakakasang Pantawid Pasada Program o PPP.

Ang iniisip kaya ng mga matatalino nating opisyal ay nakagawa na sila ng mabuti na magiging tiket nila diretso sa langit? Tahasan nating sasabihing mali ang iniisip nila. Baka nga sa kabilang direksyon pa sila dalhin ng kanilang gimik.

Nakakasawa na, mga ‘tol, ang magkaroon ng mga pulitikong namumuno na ang tanging iniisip ay mga papatse-patseng solusyon sa isang malawakang problema.

Wala kasi silang pakialam kung maresolba ang problema o hindi. Ang tangi nilang layunin ay ituring silang tagapagligtas at amo ng mga bumoboto sa kanila.

Relasyong amo at alipin, mga ‘tol, ang kanilang perspektiba at motibasyon.

Tama ang tanong ng kasama nating si PISTON president George San Mateo: Ano ang magagawa ng  P1,200 na PPP sa isang drayber ng dyipni, taxi, bus o traysikel?

Parang mahinang pitik lang ito na halos hindi mararamdaman.

Gawin na lang sana ng gobyerno ang kanyang tunay na tungkulin na binanggit natin sa itaas at itigil na nito ang kung anu-anong naiisip nilang pampapogi.

Mas matutuwa pa ang mga miyembro ng sektor, di ba, mga ‘tol?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply