Vault na may P10M narekober sa pulis

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Manila Police District ang  isang miyembro ng Manila Traffic Enforcement group matapos ituro ng isang kasambahay na tumangay sa vault ng kanyang amo na naglalaman ng  dollar, tseke , alahas at cash na nagkakahalaga ng may P10 milyon.

Ayon sa pulisya, nai-turnover na ng Caloocan City Police si PO1 Dominic Lappay, 34, sa MPD Headquarters ng  para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso dahil sa Maynila nangyari ang insidente.

Maging ang  kasambahay na siyang nagturo kay PO1 Lappay na si Geraldine Tamorite, 29, tubong South Cotabato City at stay-in sa  no. 35-B Chicago st., Caloocan City ay pinipigil din sa headquarters.

Nauna rito, may tumawag umano kay Tamorite sa kanyang cellphone kamakalawa (Pebrero 25) mula sa nagpakilalang sekretarya ng kaniyang amo na si Sho Ting Tan at sinabing kunin ang vault sa kuwarto ng amo dahil nadisgrasya ito at kailangan ng pambayad sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan ito nakaratay.

Bilin pa ng caller a takpan ng tela ang vault at sumakay ng taxi saka pagpahatid sa nasabing ospital.

Imbes na takpan ng tela ni Tamorite ang vault ay nagawa naman niyang pagkasyahin ito sa isang kulay pulang maleta at dahil sa bigat ay pinagulung-gulong na lamang ito ng kasambahay hanggang makasakay ng taxi.

Nagduda naman ang driver ng taxi na si Heradoma Hadji Abanig, 34, sa kahina-hinalang dala ng katulong kaya nagsumbong ito sa pulis-trapiko na si Lappay.

Sinita naman ni Lappay ang katulong hanggang sa inabandona na siya sa isang lugar at umuwi na sa bahay ng amo at doon  niya rin napag-alaman na nasa bahay na pala ang kaniyang amo na walang anumang galos sa katawan.

Agad namang humingi ng tulong ang amo ni Tamorite kay Sr. Insp. Ismael dela Cruz ng MPD-Homicide Section at nang puntahan ang bahay ni Lappay ay doon narekober ang vault na naglalaman ng mga pera, alahas at tseke.

Depensa umano ni Lappay, nais niya na iprisinta kay Manila Mayor Alfredo S. Lim ang vault dahil hindi nakuha ng “Dugo-dugo Gang” mula sa housemaid.

Gayunman, kaduda-duda pa rin ang depensa ni Lappay dahil hindi nito naisip na samahan ang katulong na magreport sa pulisya upang maghain ng reklamo at sa halip ay dinala sa kanyang bahay ang vault. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply