‘Walang makapipigil sa impeachment court’-JPE

HINDI pa man lumalabas ang hinihinging temporary restraining order (TRO) ng Defense panel sa Supreme Court upang pigilan ang impeachment court na ipatawag ang bank records ni Chief Justice Renato Corona, kaagad itong sinopla ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Sa panayam ngayong araw, sinabi ni Enrile na walang makapipigil sa Senado na litisin ang anumang impeachment case dahil itinakda ng Saligang Batas na tanging ang Mataas na Kapulungan lamang ang siyang may kapangyarihan sa naturang tungkulin.

“The Senate has the sole power to try and decide on impeachment cases. Doon sa bagay na ‘yun hindi kami pwedeng pigilan ng Korte Suprema,” ayon kay Enrile.

Ngunit, sinabi ni Enrile na hindi naman niya nalalamang kung maaari silang pigilan ng Korte Suprema sa ibang bagay na may kinalaman sa impeach case tulad ng pagpapatawag sa bank records ni Corona.

“Hindi ko alam kung pwede kaming pigilan sa mga ibang bagay. Ang alam ko hindi kami pwedeng mapigilan ng maski sino sa utos ng Saligang Batas na kami lamang at walang iba ang magdidinig ng mga ebidensiya at magbigay ng pasya sa impeachment case,” paliwanag niya.

Sinabi pa ni Enrile na hindi niya pipigilin ang sinuman sa alinmang partido sa impeachment case ni Corona na maghanap ng ligal na pamamaraan sa isyung bumabalot sa paglilitis.

“Alam mo, ako, hindi ko mahahadlangan ang sinuman to take their legal remedies. Kung inaakala nila na mayroon kaming ginagawa na hindi tama, di magsampa sila ng kaso at titingnan namin kung puwede kaming kasuhan kung mayroon kaming nilalabag na batas. Nobody is above the law,” ani Enrile.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply