Walkout sa Maynila

HINDI malayong mag-walk out sa kanilang mga trabaho ang mga empleyado ng Manila City Hall, kasama na ang mga pulis at guro, sa nalalapit na panahon!

Gigil na kasi silang iparamdam ang kanilang sama ng loob kay Mayor Alfredo Lim dahil sa hindi pagbibigay nito ng kanilang taunang financial assistance o enhancement support na sadyang inilaan sa kanila ng pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng isang ordinansa na aprubado ng Konseho.

Kasama rin sa hindi pa ibinibigay magpahanggang ngayon ay ang performance incentive bonus na ipinagtibay naman ng executive order ni Pangulong Noynoy Aquino.

Ipinahayag ang bantang pag-walkout ng mga empleyado nang magtipon-tipon ang mga guro sa lungsod nitong nakaraang linggo.

Lalong tumitindi ang pag-alma ngayon ng mga guro, empleyado at pulis lalo pa’t na patuloy nilang hinihintay ang kanilang financial support na hindi pa naibibigay mula ng maupo si Mayor Lim noong 2010.

Tinatayang umaabot na kasi sa P520 milyon ang dapat na maibigay sa mga empleyado ng lungsod.

Ang sagot daw kasi ni Mayor Lim ay kapos sa pondo ang pamahalaang lungsod kaya’t hindi maibigay ang benepisyo ng mga manggagawa.

Para naman sa mga pulis, hindi na raw kailangan dahil nangingikil naman ang mga ito. Para sa mga guro, dahilan ni Mayor Lim na si dating Mayor Lito Atienza ang may pakana  ng pagbibigay ng financial support at hindi siya.

Pero ang nasabing benepisyo ay maliwanag na pinagtibay ng isang ordinansa at nakapagtataka kung bakit tila ayaw igalang ito ng alkalde.

O baka naman ibig sabihin ni Mayor Lim ay kay Atienza kunin ng mga empleyado ng lungsod ang kanilang benepisyo dahil ang huli ang nagpasimuno ng nasabing sistema sa loob ng panunungkulan nito ng siyam na taon.

Kung ganito nga ay para na ring sinabi ni Mayor Lim na si Atienza ang suportahan ng mga empleyado sa 2013 local elections! He, he, he!

Lumalabas tuloy ngayon na malayong-malayo ang estilo ng pamumuno ni Lim kumpara kay Atienza.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply