Wild, wild EDSA

HINDI madali ang trabaho ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Pangunahin dito ay ang mapabait ang mga pasaway sa kalsada.

Ano ‘ka n’yo? Mas madali pa ang maglaslas na lamang ng pulso?

Kunsabagay, kahit nga ‘yung mga sasanto-santo sa kanilang sari-sariling tahanan at opisina ay tinutubuan ng sungay at buntot kapag nagmamaneho na.

Ang mga timi, nagiging palasigaw. Ang mga duwag, tumatapang. Ang mababait, sumusungit.

Hindi ako exempted dito, inamin ko.

Kaya nga’t ilang beses din akong inalok at kinumbinsi na mag-armas.

Bilang editor umano, dapat ay may dalang bakal kung anu’t ano man. Ayoko nga.

Baka tumapang pa ako.

Tulad ng iba, kapag uminit ang ulo ko kahit sa simpleng isyu ng gitgitan, awtomatikong bumubunot ng kung anong mabubunot ang kamay ko, kahit ibig ko lamang takutin ang “kalaban.”

Hindi ba’t madalas ay ang MMDA traffic enforcer ang nakakabanggaan ng motorista?

Paano kung armado rin sila?

Imadyinin n’yo, mga kasama, ang Edsa at iba pang kalsada ng Kamaynilaan na Wild, Wild West na sa iba’t ibang dako ay nagpapalitan ng punglo.

Naiintindihan natin ang lohika ng mga ehekutibo ng MMDA: Kailangang bigyan ng “paggalang” ang mga motorista at pedestrian ang mga MMDA traffic enforcers.

Baril umano ang kailangan para maging kagalang-galang ang mga ito. Hindi na sila bubugbugin at papatayin kapag sila’y armado.

Maliwanag na naniniwala ang MMDA na mas madali ang armasan ang mga traffic enforcer kaysa itaas ang reputasyon nila sa mga tao.

Matagal pa bago mangyari ito, kung mangyayari man.

Ngunit gaano man kadesperado ang MMDA, kailangan nitong pag-isipang mabuti ang plano.

Handa ba ang mga traffic enforcer sa ganitong responsibilidad? Mapagkakatiwalaan ba sila?

Ano ang mangyayari kung may armas at palaban din ang mga sinasaway na motorista o pedestrian?

Maraming kwestiyon na dapat sagutin muna bago kumilos patungo sa direksyong nais ng MMDA.

Parating nasa bandang huli ang pagsisisi.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply