Winning streak ng La Salle Spikers tinuldukan ng Ateneo Lady Eagles

SA WAKAS!

Ito ang nabigkas ng Ateneo de Manila Lady Eagles makaraang sa unang pagkakataon ay kanilang natalo ang De La Salle Lady Spikers’ matapos ang four-set victory sa Game 1 ng UAAP Season 74 women’s volleyball finals kanina sa The Arena, San Juan.

Una nang nagtala ang La Salle ng thrice-to-beat advantage makaraan ang 14-game sweep sa elimination round, hanggang sa matuldukan ng Lady Eagles sa four sets, 23-25, 28-26, 25-23 at 25-17 kanina.

Ito ang unang panalo ng Ateneo na una nang pinalasap ng nine-game losing streak ng La Salle.

“Dahil nanalo kami this game, mabi-build up ‘yung confidence namin,” ani Ateneo’s rookie star Alyssa Valdez.

Sa unang sultada ng laban ay agad na ipinakita ng La Salle ang kanilang championship poise nang agad tambakan ang Ateneo na nanginginig pa sa kanilang unang pagpasok sa Finals ng UAAP.

Nanguna ang Lady Spikers sa iskor na 23-17 sa rally sa Ateneo, na pilit hinahabol ng team captain ng na si Fille Cainglet at veteranpalyer na si Ailysse Nacachi.

Dahil sa sunod-sunod na errors ng La Salle, nagawang makalapit ni Lady Eagles sa iskor na 23-24, hanggang sa selyuhan ni Michelle Gumabao ang unang set sa kanyang cross-court attack.

Sa second set, nanguna pa rin ang Lady Spikers sa iskor na 13-9 hanggang sa mahabol na naman ng Eagles.

Dito na sumugal si Ateneo head coach Roger Gorayeb sa pagpasok sa kanyang 6-foot-2 freshman na si Mary Mae Tajima para sa defensive purposes.

Hindi naman nagkamali si Gorayeb nang maharang ng freshman ang malalakas na atake ng La Salle para sa unang pagkakataon ay maungusan ang La Salle.

Sa third set, muling nakaungos ang Lady Spikers na agad ding naharang ng mga pamatay na atake ni Valdez.

Ang nasabing mga atake ang nagdala sa Lady Eagles para dalhin ang momentum hanggang fourth set.

Itinanghal na player of the game si Valdez matapos kumana ng game-high 24 points, 19 attacks, isang block at apat na serves.

Dahil sa panalo ng Ateneo, mauuwi ang Finals sa best-of-three affair, kung saan paunahan ang dalawang grupo sa dalawang panalo para maiuwi ang korona.

Target ng La Salle ang kanilang second straight volleyball championship habang habol naman ng Ateneo ang kanilang first-ever championship sa volleyball.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply