‘Oplan Libreng Sakay’ ng AFP kasado na bukas

HANDA na ang hanay ng Hukbong Sandatahang Lakas partikular na ang National Capital Region Command sa kanilang ‘Oplan Libreng Sakay’ para sa nakaambang transport caravan sa Huwebes, Marso 15.

Sa isang pagpupulong ng Presidential Task Force on Transport Strike and Mass Action (TRASMA) kahapon, ng umaga, Marso 13, inilahad ni Armed Forces of the Philippines National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) Deputy Commander Colonel Rene Santos na handa silang tumulong sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) alinsunod sa utos ni AFP NCR Command chief Major General Tristan Kison.

Kaugnay nito, inihahanda na ng AFP-NCRCOM ang 38 military vehicles upang magbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong maapektuhan ng naturang transport caravan.

Pangungunahan ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang transport caravan, kasama ang ilan pang mga grupo alinsunod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Samantala, siniguro naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nakalatag na ang lahat ng paghahanda sa darating na araw ng transport caravan.

Kasama rin sa pagpulong si Public Works and Highways Secretary Rogelio L. Singson at ang mga Metro Manila Regional Directors mula sa tanggapan ng Department of Transportation and Communications (DOTC), Department of Energy (DOE), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Philippine Information Agency (PIA).

Bukod sa libreng sakay, nakaalerto na rin ang “Task Force Manila Shield” ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang siguruhin ang seguridad ng mamamayan at bantayan ang vital installations sa Metro Manila.

Ilan sa pangunahing tututukan ng mga pulis ay ang lungsod ng Makati kung saan matatagpuan ang tanggapan ng Shell, Chevron at Petron. Sa Maynila naman ay matatagpuan ang oil depot sa Pandacan na malapit rin sa Palasyo ng Malacañang at University Belt, at sa lungsod ng Quezon kung saan inaasahang magpupulong ang iba’t ibang mga grupo bago magtungo sa Makati City.

Nakikipag-ugnayan na rin ang NCRPO sa Department of Justice at Commission on Human Rights upang masiguro naman ang karapatang pantao ng mga magsasagawa ng kilos-protesta maging ang “plankers.”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply