‘Wag nang mang-uto

MASYADO ‘atang maliit ang tingin ng Malakanyang sa antas ng pag-iisip ng mga kasapi ng sektor ng transportasyon, lalo na ang mga drayber at opereytor.

Sabihin na nating karamihan sa kanila ay hindi naka-gradweyt ng kolehiyo o ang iba ay sa hayskul, hindi ibig sabihin ay madali na silang utuin.

Matatalino sila, matitiyak ko, sapagkat madalas ko silang makahalubilo. Hindi tulad ng mga nasa Palasyo.

Hindi umano kinakampihan ng mga nasa kapangyarihan na nagtatrabaho sa Malakanyang ang mga kompanya ng langis hinggil sa usapin ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Binabalanse lamang umano nila ang dalawang panig.

Ang isang panig ay ang mga tsuper, maliliit na opereytor at mga pamilya nila na sa kasalukuyan ay halos mawalan na ng ulirat dahil sa sunod-sunod na bigwas ng pagtataas ng presyo ng langis.

Ang katunayan umano na hindi nila kinakalaban kundi inaaruga pa ang mga drayber ng pampasaherong sasakyan ay binibigyan nila ang mga ito ng subsidiya na magagamit sa kanilang pagpapakarga ng langis nang sa gayon ay hindi sila masyadong magipit.

Ewan natin kung bingi o nagbibingihan lamang ang mga nasa Malakanyang, pero ilang ulit nang pinagsisigawan ng mga kasapi ng sektor ng transportasyon na hindi nila kailangan ang pantapal na alok ng gobyerno.

Ang ibig ng sektor ay mas malaliman at mas matagalang solusyon tulad ng makatuwirang pagtataas ng pamasahe at pagbasura ng ng oil deregulation law.

Kung ang mga solusyong nabanggit ang isinusulong sana ng administrasyon ay maaaring maturing pa silang sinsero sa pagtulong sa mga drayber at opereytor na mga pampasaherong sasakyan.

Pero hindi.

Ang inaasikaso nila ay ang paghahabi ng mga kasinungalingan, pambobola at pampapapoging pahayag na sa akala nila ay makapagpapakalma sa nagpupuyos nang damdamin ng mga kasapi ng sector.

Ngunit sa mga pahayag na, “wala kaming magagawa,” “binabalanse lamang namin,” at “tinutulungan naman namin ang mga drayber at opereytor” ay tila nagbuhos pa sila ng gaas sa lumalawak na apoy.

Kung hindi ito alam ng mga taga-Palasyo, sino kaya ang matalino at sino ang bobo?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply