“Wala tayong magagawa, tanggapin na lang!”

HINDI ko talaga maintindihan ang kalansing ng utak ng mga nasa kapangyarihan.

Kaugnay ito ng madalas na oil price hike o pagtataas ng presyo ng petrolyo.

Ang sabi ng mga taga-Malakanyang: “wala kaming magagawa” at “tanggapin na lang natin.”

Umaasa naman tayo na magkaroon ng boses ang mga mambabatas sapagkat kinatawan sila ng mamamayan.

Pero mas matindi naman ang pagkamanhid ng mga ito sa paghihirap ni Juan dahil sa sobra nang mahal na petrolyo. Op kors, kasama sa petrolyo ang biglang nagmahal na liquified petroleum gas.

Akalain ba nating ang gagaling na maglabas ang mga ito ng ebidensiya laban sa kalaban nilang si Ka Atong Corona.

Pero inutil sa dilang inutil ang mga ito sa paggawa ng remedyo laban sa mga kompanya ng langis na kung magtaas ng presyo ng petrolyo ay ganun na lamang.

oOo

Siguro, magandang hamunin ang mga inutil sa Malakanyang at Kongreso.

Sila ang gagawin nating tsuper ng mga traysikel o dyipni o mangingisdang de-motor na bangka o magsasakang sa generator umaasa ng patubig at pag-aararo.

Tingnan lang natin kung hindi sila aatungal sa hirap at gutom.

Pagmanehuhin natin silapara makapag-uuwi lang sila ng P100 o P200 lang sa loob ng 12 oras o para masilat o mahuli sila ng mga may kota na trapik enporser at kotong kaps.

Pupuwede rin silang mangisda pero ‘di makapalaot dahil sa kakapusan ng pambili ng disel o gasolina.

Oki rin silang magsaka na nauubos ang paybsiks na utang para sa konsumo ng generator na pampatubig.

Magagawa pa kaya nilang sabihin na “wala tayong magagawa o tanggapin na lang
ang oil price hike?

Paano nga pala kakalusin ang mga inutil na ito sa gobyeno?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply