PNoy ‘di makadadalo sa canonization ni Blessed Calungsod

TINANGGIHAN ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang imbitasyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) upang saksihan ang nalalapit na canonization ni Blessed Pedro Calungsod sa Roma sa Oktubre.

Nabatid na kahapon (Miyerkules, Pebrero 29) ng umaga nang personal na ihatid nina CBCP president at Cebu Archbishop Jose Palma at Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal ang invitation letter sa Pangulo sa isang pulong sa Malakanyang.

Sa naturang invitation letter na nilagdaan nina Palma at Vidal, hiniling ng CBCP ang presensiya ni Pangulong Aquino sa Canonization Rites na gaganapin sa Oktubre 21, 2012 sa St. Peter’s Basilica sa Roma.

Gayunman, tinanggihan umano ng Pangulo ang imbitasyon dahil na rin sa hectic schedule nito.

Ipinaliwanag din umano ni PNoy na may limitado lamang itong foreign travel sa loob ng anim na taon ay mahigpit na ang kanyang schedule ngayong Oktubre.

Sinabi naman ng Pangulo sa kanila na maaring makahanap ito ng pagkakataon upang makadalo sa National Thanksgiving Mass na nakatakda sa Cebu na gaganapin sa Nobyembre.

Bukod naman sa canonization, wala naman na umanong iba pang isyu na tinalakay ang mga CBCP official sa pakikipagkita ng mga sa Pangulo.

Ngayon pa lamang ay abalang-abala na ang Simbahang Katolika sa paghahanda para sa canonization ni Calungsod, na isang malaking karangalan para sa mga Pinoy at sa Pilipinas.

Si Calungsod ay kikilalaning ikalawang santong Pilipino, kasama ni San Lorenzo Ruiz.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply