1,800 nawawalang sasakyan sa Subic kakalkalin ng Kamara

IIMBESTIGAHAN ng House committee on ways and means ang napa-ulat na pagkawala diumano ng nasa 1,800 imported second-hand na sasakyan sa bodega ng Subic Bay Freeport simula 2007.

Kasunod ito ng pag-aapruba ng Kamara sa rekomendasyon ng rules committee sa inihaing House Resolution 1664 ni Quezon City Rep. Winnie Castelo.

Giit ni Castelo na dapat nang maimbestigahan ng Kamara kung ano ang nangyari sa umano’y nawawalang imported na sasakyan upang mabatid kung smuggled ito at kung nilabag nito ang Executive Order 156 na nagbabawal sa muling pagbebenta ng mga ito.

Sinabi ng mambabatas na mismong ang hepe ng Bureau of Customs sa Subic Port ang nagsabing nasa 1,800 imported na segunda manong sasakyan na nakalagak simula pa noong 2007 ang nawawala sa storage at hindi makita.

Dapat aniyang magpaliwanag ang mga kinauukulan kung saan napunta ang naturang mga sasakyan at magsagawa ng imbentaryo.

Nakasaad pa sa report na sa 1,800 sasakyan, kabilang ang mga luxury car, ay sakop ng warrants for seizure and detention orders (WSD) na nangangahulugan na dapat ibalik sa special economic zone ang mga ito.

Bago lumabas ang BOC report, inihayag ng Land Transportation Office na nasa 172 imported luxury na sasakyan ang nawawala sa Freeport Zone na kinabibilangan ng Jaguar, Ferrari, Porsche, BMW, Mercedes-Benz, Land Rover at Chrysler units.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply